PLUMA writing workshop

post

Advertisements

Baybayin

Rey Tamayo, Jr.

 
Malaki ang maitutulong sa paghubog ng nasyonalismo lalo na sa mga kabataan kung sakaling tuluyang maisabatas ang National Writing System Act na kapwa dinidinig sa Kamara at Senado.

 
Kamakailan, inaprubahan ng House Committee on Basic Education and Culture ang panukalang batas na magdedeklara sa Baybayin bilang pambansang sistema ng pagsulat sa Pilipinas.

 
Nakasaad sa House Bill 1022 o ‘National Writing System Act’ na inakda ni Pangasinan Rep. Leopoldo Bataoil, na bigyang halaga at paunlarin ang Baybayin sa bansa.

 
Magugunitang ang Baybayin ay isang pre-Hispanic writing system sa bansa na ginagamit ng mga sinaunang Filipino bago pa man dumating sa bansa ang mga dayuhan.

 
Mandato ng nasabing panukala batas ang lahat ng mga manufacturers ng lokal na produkto na gamitin ang Baybayin at mailagay ang salin o translation nito sa label ng mga produkto.

 
Inaatasan din nito ang mga lokal na pamahalaan na maglagay ng Baybayin ang mga pangalan ng kalsada, istasyon ng mga bombero at pulis, pampublikong pasilidad o gusali, ospital, community centers at mga government halls.

 
Suportado naman ng Department Of Education (DepEd), National Commission for Culture and Arts (NCCA) at iba pang advocacy group ang naturang panukala batas.

 
Samantala, sa Senado nakabinbin pa sa komite ni Sen. Nancy Binay ang kahalintulad na panukalang batas ang Senate Bill NO. 433 (An Act Declaring “Baybayin” as the National Writing System of the Philippines, providing for its promotion, preservation and conservation, and for other purposes) na iniakda naman ni Sen. Loren Legarda.

 
Kung tuluyang maisasabatas ang National Writing System Act, pangungunahan ito ng NCCA, DepEd, Department of the Interior and Local Government, at Commission on Higher Education upang balangkasin ang implementing rules and regulations.
Tulad ng ilang bansa sa Asya, nananatiling matibay at buhay ang diwa ng pagiging patriotismo –

 

Ang bansang Hapon na mayroong dalawang uri ng sistematikong paraan ng pagsulat ang Hiragana at Katakana. Ang ipinagmamalaking Arabic script bilang paraan ng pagsulat sa mga bansa sa Gitnang Silangan partikular na sa Saudi Arabia. At ang Hànzì (simplified Chinese: 汉字; traditional Chinese: 漢字, ng bansang Tsina.

 
Kaya’t marapat lang na suportahan ng publiko ang pagsusulong ng Baybayin bilang pambansang sistema ng pagsulat na maipagmamalaki ng bawat Filipino.

Kontrobersiya sa Dengvaxia

Rey Tamayo, Jr.

Naging kontrobersiyal na usapin ang anti-dengue vaccination program ng Department of Health matapos na mabunyag sa publiko ang umanoý  maanomalyang proseso ng pagbili sa nasabing mga bakuna. At ang higit na pinangangambahan lalo na ng mga magulang ay ang masamang epekto nito sa mahigit na 830,000 na mga bata na naturukan ng Dengvaxia.

Isa sa mga hakbang na kasalukuyang ginagawa ng DOH ay ang pagtatalaga ng expert panel upang mag-imbestiga sa mga kasong may kaugnayan sa Dengvaxia at ang pagmomonitor sa posibleng adverse effect sa mga batang nabakunahan sa susunod na tatlong taon.

Hinikayat din ni Health Sec. Francisco Duque na agad na magsadya sa DOH ang mga magulang ng mga bata at ipatala ang kanilang mga anak upang matutukan ang kanilang mga sitwasyon at makasama sa listahan kung sakaling magbigay ng danyos ang sinumang mapapatunayang nagpabaya sa palpak na vaccination program.

Bagama’t nauna ng nagbalik ang French pharmaceutical firm na Sanofi Pasteur ng aabot sa 1 bilyon para sa mga hindi nagamit na mga bakuha ngunit iginiit ng DOH na ibalik ang tinatayang P3 bilyon na kabuoang ibinayad ng pamahalaan (Aquino administration) sa Dengvaxia vaccines.

Aminado rin ang Senado na minadali ng Department of Health (DoH) ang pagbili ng kontrobersiyal na Dengvaxia vaccines. Iginiit ni Sen. JV Ejercito, Chairman ng Senate Committee on Health, na hindi isinaalang-alang ng DoH ang pag-iingat bago ang implementasyon ng anti-dengue vaccination program.

Sa kasalukuyan, mayroong labinglimang (15) mga bata na ang namamatay na naturukan ng nasabing bakuna na iniuugnay sa Dengvaxia vaccines at inaasahang lolobo pa ang bilang sa mga susunod na araw.

Tiniyak naman Public Attorney’s Office (PAO) sa publiko na patuloy ang kanilang isinasagawang imbestigasyon sa mga napaulat na mga batang namatay at magsasampa ng kaukulang kaso sa mga nasa likod ng maanomalyang dengue vaccine. Inihahanda na rin ng PAO ang mga civil cases sa mga dating opisyal ng DOH na sangkot sa pagbili at maling implementasyon ng naturang bakuna sa kabila ng mapanganib na epekto nito.

Sinu-sino nga ba ang mga nakinabang sa naturang programa na ang pondoý mula sa kaban ng bayan? Sinu-sino ang dapat sisihin sa palpak na anti-dengue vaccination program? At sinu-sino ang mga naipit lamang sa sitwasyon?

Eksperimento nga ba umano ang ginawa ng Sanofi Pasteur dahil hindi pa natatapos ang clinical trial ay ibinenta na ito sa Pilipinas?

Ngunit sa nasabing pangyayari, higit na mas apektado si Juan Dela Cruz lalo na ang mga walang kamalay-malay na mga bata sa posibleng panganib na kanilang kahaharapin. Huwag naman sana.

Panganib sa mga Mamamahayag

Rey Tamayo, Jr.
Patuloy pa rin pamamaslang at iba pang aspeto ng paglabag sa malayang pamamahayag dito sa ating bansa. Dahil sa nagiging peligroso pa rin ang kalagayan at may nakaambang panganib sa mga mamamahayag at peryodista ay nilikha ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa ilalim ng Office of the President ni Pangulong Rodrigo Duterte na siyang tutulong upang magbigay ng seguridad sa mga kagawad ng media.

 
Kamakailan lamang ay pinaslang ang station manager at broadcaster ng Prime Broadcasting Network na si Christopher Lozada sa Bislig City, Surigao del Sur. Ang 29 anyos na komentarista ng DXBF na si Lozada ang pinakahuling insedente ng pamamaslang at pang lima (5) media practitioner na napatay sa ilalim ng administrasyon ni pangulong Duterte at pang 178th mula noong 1986.

 
Ayon kay Presidential Task Force on Media Security Undersecretary Joel Egco isa sa tinitingnang anggulo sa kasalukuyan na siyang pangunahing suspek sa pagpatay kay Lozada ay si Bislig City Mayor Librado Navarro. Bagama’t mariing itinatanggi ng alkalde ang akusasyon na may kinalaman siya sa pagkakapatay sa broadcaster.

 
Kinukundena naman ng National Union of Journalists of the Philippines at National Press Club ang mga karahasan na nararanasan ng mga mamamahayag.

 
Bukod sa paghingi ng proteksyon sa Philippine National Police (PNP) umapela rin ang mga media organizations na maaksyunan ng mga mambabatas na maalis sa kategoryang kriminal ang kasong libelo.

 
Maging sa Senado ay may mga pagtatangka na rin hinggil sa kasong libelo. Matatandaang naghain na noon ng kani-kanilang bersyon ng panukalang batas sa Senado sina Senator Chiz Escudero (Senate Bill No. 1403), dating Senator Mar Roxas (Senate Bill No. 110) at Senator Loren Legarda (Senate Bill. No. 223) na ang layunin ay alisin ang aspetong criminal o i-decriminalize ang kasong libelo sa ating bansa ngunit tila hindi umusad ang nasabing mga panukalang batas.

 
January 25, 2008 – Nagpalabas ang Korte Suprema ng direktiba sa mga hukom ng Administrative Circular No.8 na nilagdaan ni dating Chief Justice Reynato Puno na taasan na lamang ang multa sa mga mahahatulan sa kasong libelo sa halip na ikulong. Ito’y upang mapangalagaan ang karapatan ng isang indibidwal gaya ng freedom of speech, expression at ng freedom of the press lalo na sa mga mamamahayag.

 
Naitala sa kasaysayan na noong taong 2005 ay ikalawa ang Pilipinas bilang mapanganib na lugar sa mga mamamahayag kasunod ng bansang Iraq ayon sa datos na inilabas ng New York based Committee to Protect Journalists.

Panganib ng Fraternity Hazing

Rey Tamayo, Jr.

Muli na namang naungkat ang usapin hinggil sa hazing matapos na masawi sa initiation rites ang isang UST law student na si Horacio Castillo III na miyembro ng Aegis Juris Fraternity.

Bagama’t umiiral na ang RA 8049 o mas kilala sa tawag na Anti-Hazing Law noon pang taong 1995 ngunit patuloy pa ring nauulit ang mga senaryo na kung saan ay may namamatay sa mga bagong miyembro na papasok sa fraternity, sorority o sa iba pang mga organisasyon.

Marami ang nagpapanukala kabilang na sina Senator Franklin Drilon at Senator Juan Miguel Zubiri na dapat na umanong amyendahan ang naturang batas dahil sa hindi umano ito kongreto at may mga
butas tulad ng nakasaad sa Section 2. Pinapayagan pa rin umano ang pagsasagawa ng hazing at initiation activity kung magsusumite ng notice ang fraternity sa opisyal ng paaralan.

Ngunit depensa naman ng pangunahing may akda ng Anti-Hazing Law na si dating Senator Joey Lina, may kapangyarihan umano ang kasaluluyang batas ang problema lang umano ay hindi istriktong naipatutupad. Mas makabubuti rin na ikonsidera ang kaniyang orihinal na bersyon na inaprobahan noon ng Senado at huwag i-‘repeal’ o tanggalin na isinusulong ng ilang mambabatas dahil malaki ang magiging epekto nito sa mga kasong kasalukuyang iniimbestigahan at dinidinig sa mga korte.

Sa halos mahigit na dalawang dekada, isang kaso pa lamang ang masasabing nagkaroon ng conviction sa mga suspek na dinesisyunan ng Korte Suprema, ito’y kaugnay sa kaso ni University of the Philippines Los Banos student Marlon Villanueva na brutal na pinatay noong 2006 ng ilang miyembro ng Alpha Phi Omega fraternity. Sa naturang kaso, nahatulan ng Reclusion Perpetua ang dalawang pangunahing suspek na dinesisyunan noong 2015.

Matatandaang ang pagkamatay ni Leonardo Villa sa kamay ng mga miyembro ng Aquila Legis Juris Fraternity noong February 1991 ang nagbunsod upang maisabatas ang Anti-Hazing Law.

Sa nasabing batas (RA 8049), ang sinumang mapatutunayang lumabag ay maaaring sampahan ng kasong kriminal at maparusahan tulad ng mga sumusunod:

Reclusion Perpetua (life imprisonment) – kung ang biktima ay namatay, ginahasa, nagtamo ng pinsala ang katawan (mutilation.)

Reclusion Temporal – kung ang biktima nawala sa katinuan ang pag-iisip, nabaliw, nabulag, nawala ang pandinig, pang amoy, naputulan ng paa, kamay, atpb.

Prison Mayor – kung ang biktima ay nagkasakit, o hindi na nakagagawa ng kaniyang regular na ginagawa at kinakailangan ng medical assistant.

Prison Correccional – kung ang biktima ay nagkaroon ng physical injuries ngunit hindi naman nangangailangan ng medical assistant.

Ayon din sa mga pag-aaral, isa sa panganib na maaaring maranasan ng isang miyembro na mapapasama sa fraternity, sorority, at iba pang organisasyon o kapatiran na may maling pamamalakad ay ang mga sumusunod:

* Nagagamit ang miyembro sa paggamit ng droga, paggawa ng krimen, na sa una ay pinagagawa lang bilang pagsubok.

*Pumapayag ng kusa ang ibang kababaihan na maabuso ng sekswal.

*Madalas ay naililihim ang hindi magandang gawain ng grupo sa mga magulang at kasamahan sa pamilya dahilan upang masira ang maayos na relasyon sa pamilya.

*Kung paanong pinahirapan ang miyembro bago maging regular na kasapi ay ganoon din, at madalas ay sobra pa ang ginagawa nilang pahirap sa mga bagong gustong umanib. Kaya marami ang namamatay sa initiation pa lang.

Paano ginagawa ang Batas?

Rey Tamayo, Jr.

Ang isang panukalang batas (Bill) ay maaaring ihain sa Senado at sa Mababang Kapulungan ng Kongreso (Kamara).

Matapos na itoý maihain ng mga mambabatas, agad itong didiretso sa Bill Drafting Division of the Reference and Research Bureau upang maihanda at magawan ng banghay o draft. Lalagyan din ito ng kaukulang numero ayon sa Index service. Tatlong araw matapos na maihain ang panukalang batas, nakatakda itong isama sa Order of Business para maisalang sa unang pagbasa (first reading).

Sa unang pagbasa, babasahin ng Secretary General ang titulo at numero ng panukalang batas. Matapos na masuri ang mga proposed bill, ipapasa ng House Speaker sa mga komiteng nakasasakop alinsunod sa inihahaing panukalang batas.

Kaagad naman itong aaksyunan ng komite kung saan dadaan ito sa ebalwasyon ng miyembro ng komite kung kinakailangang magsagawa pa ng public hearings. Kung sakaling kailangan ng public hearing, mag iimbita ang komite ng mga resource person mula sa public at private sectors, academy at mga expert hinggil sa inihaing batas.

Anumang magiging resulta ng Committee discussions o public hearing, aaprubahan ng komite ang Committee report at pormal na ipapasa sa Plenary Affairs Bureau.

Agad namang itatakda ng Committee on Rules ang mga nakabinbin na panukalang batas para sa kaukulang konsiderasyon sa ikalawang pagbasa (second reading).

Sa ikalawang pagbasa, muling babasahin ng Secretary General ang numero, titulo at konteksto ng panukalang batas at ilang detalye tulad ng mga sumusunod:
Period of Sponsorship and debate
Period of Amendments
Voting – viva voce, count by tellers, division of the House o nominal voting.

Kung sakaling may mga ameyenda, tatalakayin ito sa ikatlong pagbasa (third reading). Sa ikatlong pagbasa magkakaroon ng roll call o nominal voting hinggil sa kanilang boto at maaaring pagkalooban ng tatlong minuto upang ipaliwanag ang kaniyang boto.
Kung sakaling makalusot sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas, ipadadala ito sa Senado para pag-aralan ang nilalaman nito. Sa Senado, dadaan din sa kahalintulad na proseso kung papaano ito pinag-aralan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Sa Conference Committee kung saan magsasanib ang mga miyembro ng Kamara at Senado upang pagtibayin ang kani-kanilang bersyon (Senate and House version). Sa puntong ito, hindi na pinahihintulutan ang anumang ameyenda o rebisyon.

At kapag napirmahan na ng Senate President at ng House Speaker at sinertipikahan ng Secretary of the Senate at Secretary of the House ay ipadadala na ito sa Pangulo.

Sa oras na mapirmahan na ng Pangulo ang nasabing batas, lalagyan ito ng kaukulang numero bilang Republic Act at muling ibabalik sa Kamara kung saan ito unang sinimulan.

Dadalhin ang kopya ng naturang batas sa Official Gasette Office para sa publikasyon at distribusyon sa mga implementing agencies.

Kung sakali namang hindi pirmahan o vetoed ito ng Pangulo, magpapalabas ng detalye ng rason ang Presidente kung bakit hindi nito sinang-ayunan ang panukalang batas at muling babalik sa Kamara kung saan ito unang sinimulan.

Balangiga Bells

Rey Tamayo, Jr.

Sa ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte, tahasan nitong sinabi na kailangang ibalik ng Estados Unidos ang tatlong Balangiga bells dahil pag-aari ito ng Pilipinas at bahagi na ng national heritage ng bansa.

 

Bagama’t aminado ang mga historian at mga politiko ng dalawang bansa na mahihirapan ang pamahalaan ng Amerika na kumbinsihin ang mga beteranong sundalo nito na tuluyang maibalik ang mga kampana sa Pilipinas. Matatandaang sinikap noon ni dating Pangulong Fidel Ramos na maibalik ang Balangiga bells at pinaboran naman ito ni US President Bill Clinton ngunit bigo pa rin dahil sa pagtutol ng mga Amerikanong sundalo.

 

Taong 1901, sa kasagsagan ng Philippine-American War — 48 American soldiers ang napatay ng umatake ang mga Filipinong gerilya at nakipaglaban sa bayan ng Balangiga sa isla ng Samar. Ang nangyaring giyera sa Balangiga ay itinuturing na ‘worst defeat’ ng US army matapos ang Battle of the Little Bighorn noong 1876.

 

Ang paglaban ng mga Filipino sa kolonyalismo ng Estados Unidos ay tanda ng katapangan laban sa mga dayuhang mananakop.

 

Muling bumalik ang tropa ng mga Amerikano sa Balangiga na may sapat na puwersa sa pangunguna ni Gen.Jacob H. Smith kung saan ipinag-utos nito na patayin lahat ang mga kalalakihan na may edad na sampung taong gulang pataas. Naging hudyat sa mga taga Balangiga ang tunong ng mga kampana na tanda na may paparating na pag-atake mula sa mga Amerikanong sundalo.

 

Ang mga pag-atake ng tropa ng Amerika ay nagresulta ng tinatayang 2000 hanggang 3000 na mga napatay at ang karamihan ay mga sibilyan at binansagan itong Balangiga masscre. Nang makontrol ng mga Amerikano ang bayan ng Balangiga, kinuha ng mga sundalo ang tatlong kampana ng Balangiga Church na tanda umano ng tagumpay ng kanilang tropa laban sa mga Filipinong gerilya.

 

Ang giyera sa bayan ng Balangiga ay nananatiling pinaka kontrobersyal na isyu sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos. Maging ang mga Filipino at mga Amerikanong historyador ay nagkakasalungat sa mga records at data ng naturang labanan.

 

Para sa Amerika, ang Balangiga Bells ay simbolo na minasaker ng mga Filipinong gerilya ang tropa nila na nakabase sa Isla ng Samar ngunit para sa mga Filipinong historyador malinaw na ang mga sundalong Amerikano ang nagmasaker sa mga mamamayan ng nasabing bayan dahil sa maraming sibilyan at mga kabataan ang kanilang pinatay.

 

Sa kasalukuyan, nananatili sa kustodiya ng Estados Unidos ang tatlong Balangiga bells– ang isang kampana ay nasa base militar ng 9th Infantry Regiment sa Camp Red Cloud sa South Korea samantalang ang natitirang dalawang kampana ay nasa 11th Infantry Regiment sa F.E. Warren Air Force Base sa Cheyenne, Wyoming.

 

Mahigit 100 taon na ang nakalilipas mula ng agawin ng mga sundalong Amerikano ang mga antigo at makasaysayang Balangiga Bells na nagsilbing alaala ng isang matapang na pakikipagdigma ng mga Filipino laban sa mga dayuhang sundalo. Para sa mga Filipino lalo na sa mga taga Balangiga, ang mga naturang kampana ay bahagi na sa puso ng mga Pinoy tanda na may matatapang na mga Filipino na lumaban upang makawala sa mga mananakop at ipaglaban ang kalayaan ng bansa.