Armas nga ba ang Solusyon?

pic_6.jpg

Rey Tamayo, Jr.

Naglaan diumano ang administrasyong Arroyo ng 10 bilyong pisong pondo sa pamunuan ng Hukbong Sandatahang Lakas ng Pilipinas (AFP) upang paigtingin ang kampanya nito kontra terorismo sa ating bansa. Inaasahang magagamit ang naturang pondo sa pagbili ng mga modernong kagamitang pandigma tulad ng helicopter, assault rifles, tactical radio, bullet proof vest at mga patrol boats upang sugpuin ang mga armadong gerilya sa bansa tulad Abu Sayyaf Group , Moro National Liberation Front at ilang grupo ng mga pinaghihinalaan terorista.

At ang isa sa mga mayor parte ng malaking halaga ng modernization budget ng AFP ay upang tuluyang mawala sa landas ng gobyerno ang mga komunista na hadlang diumano sa pag-unlad ng bansa. Tinatayang mahigit sa 6,000 armadong rebelde (New People’s Army) ang nakakalat sa buong bansa na minamaniobra ng Partido Komunista ng Pilipinas (CPP).

Ang strategic defeat na ipinanukala ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay nais maisakatuparan ng gobyerno hanggang sa taong 2010. Kaalinsabay pa ang pagsasabatas ng Anti-Terrorism Law na nilagdaan kamakailan. Ngunit hanggang saan ang saklaw ng strategic defeat ng pamahalaan?

Ayon sa ilang makakaliwang grupo na lantarang kumokondena sa administrasyon hinggil sa malawakang patayan sa bansa, isa rin itong taktika upang patahimikin ang mga kritiko ng rehimeng Arroyo. Bukod sa mahigit 6,000 aktibong rebelde at lahat ng opisyal ng Communist Party of the Philippines mula sa kanilang komite hanggang sa mga lider ng partido sa mga munisipyo hindi katakataka na madawit din sa konsepto ng strategic defeat ang mga militanteng lider ng mga legal na organisasyon sa kongreso at maging sa ilang sangay ng ating lipunan gaya ng Bayan Muna, Kilusang Mayo Uno, Gabriela, Anakpawis, Bagong Alyansang Makabayan, Akbayan at ang mga grupo ng mga kabataang tulad ng Anakbayan at League of the Filipino Students na may naitala ng mga miyembro nito na misteryosong nawawala at ang iba’y pinatay.

Anila, mas lalong dumami ang bilang ng mga pinaslang kabilang na dito ang mga lider militante, aktibista at maging sa hanay ng mga mamamahayag na hanggang sa kasalukuyan ay marami pa ring kaso ang hindi nabibigyan ng katarungan. Tinatayang mayroong 244 ang pinatay na miyembro ng ilang party list groups mula nang manungkulang si Pangulong Arroyo noong 2001 hanggang 2006. Matatandaang dismayado ang marami lalo na ang mga pamilya ng mga biktima sa inilabas na ulat ng Melo Commission hinggil sa kanilang malalimang pag-iimbestiga kaugnay sa nagaganap na malawakang patayan sa bansa.

Ang senariong ito ay tila baga naganap na noong panahon ng dating Pangulong Ramon Magsaysay ng pasimulan niya ang malawakang kampanya upang itumba ang lumalakas na komunista sa bansa. Nagawa ng pamahalaan noon na malupig ang mga rebeldeng Huk na pinamumunuan ni Huk Supremo Luis Taruc noong taong 1950’s. Ngunit magkaiba ang kalagayan ng CPP na siyang may kontrol ng NPA at ang unang Partido Komunista na siyang mayhawak naman ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan (Huk).

Una, sandaling nanahimik ang mga miyembro ng Huk sa panahong yaon sa dahilang binigyan sila ng pagkakataon na makapagbagong buhay sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga lupa upang kanilang sakahin at magbalik loob sa gobyerno. Ngunit iba ngayon ang sitwasyon sa pagitan ng pamahalaan at ng mga rebeldeng komunista. Kaliwa’t kanan ang pag atake ng dalawang grupo upang ibagsak ang kani-kanilang katunggali at maipagtanggol ang kanilang pinaniniwalaang idealismo.

Sa isang banda, may bentahe ang ating mga militar upang labanan ang komunismo at terorismo sa bansa sa tulong ng makabagong armas na pandigma. Ngunit sa isang tala na iniukit na ng kasaysayan, matatandaang noong 1975 nabigo ang Estados Unidos na ibagsak ang komunista buhat sa North Vietnam at nagawa pa nitong sakupin ang South Vietnam sa kabila ng pagkakaroon nito ng modernong kagamitan gaya ng tangke, helicopter, baril atbp. Patunay lamang na hindi sapat ang makabagong armas upang tuluyang makamit ang tunay na kapayapaan sa isang bansa.

Saan nga ba kumukuha ng mga kagamitang pandigma ang CPP-NPA upang tuluyang makipaglaban sa gobyerno sa pamamagitan ng armas?

Matatandaang sa isang pahayag noon kay Gregorio “Ka Roger” Rosal sa isang panayam, ang AFP pa rin diumano ang numero unong pinagkukunan ng mga armas ng NPA sa kanayunan.

Kaya’t hindi lamang sa pamamagitan ng armas makakamit ang kapayapaan sa ating bansa kundi ang isa sa mas mabisang paraan ay ang pakikipag-ugnayan tungkol sa usapang pangkapayapaan ng magkabilang panig.

Leave a comment

No comments yet.

Comments RSS

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s