Bista (Pasintabi kay Kuya)

Rey Tamayo, Jr.

Mga sulyap at matang nangungusap lamang
ang aking natatanaw sa paligid na sinasaliwan
ng malalalim na buntong hininga.

Naramdaman ko sa mga oras na iyon
ang kanilang malabis na hinanakit
at ang nagpupuyos na damdaming
pilit pa ring pinipigil.

Marahang tumindig ang isang lalaki
Na sinisiyasat sa isang bulok na hukuman.
Alam kong wala siyang kasalanan
At biktima lamang ng isang huwad na propaganda.

Dito na nagsimulang bumuhos ang emosyon,
unti unting umugong sa paligid.
Napakagat ako sa aking labi
nang mapagmasdan ko ang mga taong naroroon.
Nakakuyom ang kanilang mga kamay
at inilalarawan ang pagkakagapos nito,
may busal ang mga bibig ng kulay itim na tela.
Halos lahat ay nangingilid ang luha,
may ilang hindi napigilan ang pagpatak nito.

Parang kinukurot ang puso ko
ng mabalingan ko ng tanaw
ang isang matandang babae.
Ang kanyang paos na tinig ay sumisigaw.

Bahagya kong idiniin ang
pagkakakagat ko sa aking labi
nang makita kong umagos ang kanyang luha.
kitang kita ko sa kanyang mga mata
ang labis na pagdaramdam na pinatitingkad pa
ng nakapangingilabot na tinig
nang paghingi ng tunay na katarungan.

“Wala na ba talagang hustisya sa ating Bayan?”

*Ang artikulong ito ay nailathala sa Philippine Graphic (April 2007) at sa isang Antolohiya na may pamagat na “Ang Una Naming Siglo” (December 2006)

Propaganda sa Kaso ni Burgos

Rey Tamayo, Jr.

Tila kuwestiyunable ang kumalat kamakailan na balita hinggil sa panibagong isyu sa misteryosong pagkawala ni Jonas Burgos, isang aktibong miyembro ng Alyansang Magbubukid ng Bulacan na puwersahang dinukot noong April 28, 2007 sa isang Restaurant sa Ever Gotesco Mall, Commonwealth Avenue, Quezon City.

Sa mga lumabas na balita, isang nagpakilalang opisyal ng Intelligence Service ng Armed Forces of the Philippines at miyembro di umano ng religious group na Ang Dating Daan na pinangangasiwaan ni Bro. Eli Soriano; at nagsabing saksi siya sa pagdukot at pagpapahirap sa biktimang si Jonas, anak ng namayapang press freedom fighter at publisher ng isang pahayagan na si Jose “Joe” Burgos Jr..

Ayon pa rin sa nasabing ulat, nakipag-ugnayan umano ang lalaking ito sa isang kolumnistang si Mario Batuigas upang isiwalat ang kanyang nalalaman sa kaso ni Burgos upang mapadali ang mabagal na pagusad ng nasabing kaso. Ayon pa sa lalaki, na nagpakilalang “Bunso” na inutusan diumano siya nina AFP Chief Hermogenes Esperon at Isafp head Brig. Gen. Delfin Bangit na dukutin ang batang Burgos.

Kaduda duda ang ang panibagong pakulo ng lalaking ito “Bunso”, kung sino man siya!

Una, kung totoo na isa siyang saksi sa pagdukot at sa ginawang pagpapahirap sa biktima, marapat lamang na lumapit siya sa mga mapagkakatiwalaang institusyon upang mapangalagaan ang kanyang seguridad kung natatakot siya sa dati niyang mga kasamahan sa AFP sa kanyang gagawing pagbubunyag na sangkot nga ang ilang mga sundalo ng ating Sandatahang Lakas.

Bakit kaya sa isang kolumnistang si Mario Matuigas siya unang sumangguni? Sino ba itong si ginoong Matuigas at ano ang kaugnayan nito sa kanya?

Hindi ba kayang ibigay ng Senado, Kongreso at iba pang institusyon na masasabi nating may mga integridad kung seguridad lamang ang paguusapan?

Di ba’t ito ang ginawa ng dating deputy director ng National Bureau of Investigation na si Samuel Ong nang lumutang ito sa publiko upang ilantad ang sinasabing mother of all tapes kaugnay ng kontrobersyal na wiretapped phone conversation ng “ Hello Garci” sa pagitan ni dating Comelec Commissioner Virgilio Garcillano at ni pangulong Gloria Macapagal Arroyo, na sinasabing nakipagsabwatan ang pangulo sa isang diumano’y malawakang dayaaan noong 2004 upang ibagsak ang kandidatura ni FPJ sa presidency election.

Matatandaang kinupkop siya ng Simbahang Katoliko upang mapangalagaan ang kanyang seguridad at sa mga bantang pagpatay sa kanyang buhay. Nakatulong din ng malaki ang media ng lumapit si Ong upang ibulgar sa taumbayan ang katotohanan sa likod ng kontrobersya.

Ikawala, tahasang inihayag ng lalaking ito “Bunso” na siya di umano’y miyembro ng grupong Ang Dating Daan.

Ano kaya ang motibo niya upang isangkalan pa na siya ay kabilang sa samahan ni Bro.Eli Soriano, Para ano? At para saan?

Sa isang nosyon, partikular na kung ang pag-uusap pangrelihiyon, wala sa katinuan ang taong ito na nais pang kaladkarin ang kaniyang kinaaanibang relihiyon upang isangkot sa isang napapanahong isyu. Kung totoong lihitimong miyembro ng ADD ang taong ito, walang dahilan upang ilagay sa alanganin ang kanyang sinamahang pananampalataya,

May ilang teoryang lumilitaw hinggil sa balitang ito.

Hindi kaya nais lamang pasamain ng lalaking ito kasama ang ilang kasabwat sa hanay ng pamamahayag (media) ang grupong pinangungunahan ni Bro.Eli?

O kaya’y sinadyang pinaanib ang lalaking ito sa grupo ni Soriano upang isangkot ang grupo ng ADD?

Sa isang prespekibong anggulo, tiyak na masasangkot nga ang grupong ADD sa dahilang ito’y minsang naanib sa kanila. Pero ang tanong ilang buwan lamang ba ito naanib sa ADD?

Sinsero ba siya sa pag anib sa isang pinaniniwalaang pananampalataya? Dili ba’t kaya sumasama ang isang tao sa pinaniniwalaan niyang samahang pampananampalataya ay upang mapabuti ang kanyang buhay. O baka naman nagpakasangkapan lamang siya upang ipahiya sa publiko si Bro. Eli at ang grupo ng Ang Dating Daan at tiyak na mayroong nasa likod nito?

Matatandaang ang grupo ni Erano Manalo ng Iglesia ni Cristo ang may pinakamaraming asunto laban sa ADD dahil sa ginagawang pagbubunyag ni Bro. Eli ng mga katiwalian at ng mga maling aral ng Iglesia ni Cristo.

Karsel

Rey Tamayo, Jr.

Sa nakabibinging katahimikan ng gabi,
dinala ako ng aking mga paa
sa isang sulok nang kawalang malay.

Hindi batid kung ito’y makapaghihilom
ng mga sugat ng alaala,
o kaya’y makapagpapanday ng mga natungkab na pangarap.

Sinilip ko sa isang guwang ng bato ang kahapon.
Ang kahapong sumubok ng aking katatagan.

Agad naman akong sinalubong
ng nakapangingilabot na dilim,
na ang dala’y kawalang pag-asa sa bawat masisilo.

Marahan din akong hinaplos
ng malamig na ihip ng hanging amihan,
na ang dala’y mapanlinlang na sigwa.

[Narinig ko ang isang tinig sa ‘di kalayuan,
Nang kumawala ang umid kong tinig na nagsabi.]


“Mahaba-habang paglalakbay na rin ang
iyong tinahak
patungo sa isang masalimuot na pakikipagsapalaran–
sa ‘di matingkalang laban ng buhay.

Kailangan mong harapin ang bawat hamon
habang may nalalabing hibla ng pag-asa.”

Tanging ang isang malalim na buntong-hininga
na may kasamang luha
ang pumukaw sa aking balintataw upang lumaban.

’Di mawaglit sa aking gunita
nang una nilang binusalan ang aking bibig
at huwag magpahayag ng nakilalang katuwiran.

Sa halip sinugatan nila ang aking abang katawan,
nakita ko kung papaanong unti-unting dumaloy
ang maamong dugo sa aking katawan.

Bagama’t hapo at pagal na
sa pakikipagbuno sa mga bintang
at sa mga mapagmalabis sa kapangyarihan,
nananatili ang katotohanang
nais ko pang lumaban!

Makita ang sarili
na makakalas sa tanikalang labis na nagpahirap
sa aking pagkatao.

Gusto kong makalaya,
dahil wala akong kasalanan.

*Ang artikulong ito ay nailathala sa Liyab (May 2007)

Tinta at Bala (Tanaga)

baril1.jpg

Rey Tamayo, Jr.

Minsan ako’y sinuntok,
Panulat ko’y tinakot.
Nang ako ay sumagot,
Ang baril ay pumutok.

Ang Pakikipagpunyagi (Villanelle)

tul_111.jpg

Rey Tamayo, Jr.

Bagama’t malaya bilanggo ang isip
Sa bangis ng takot na mula sa hukay;
Ang hapong katawan ngayo’y ginigipit.


O’ kasalanan ba maging taga-akay?
Ng tunay na batas pilit pinapatay;
Bagama’t malaya bilanggo ang isip.


Sa minsang pagsigaw, paghingi ng gabay
Ang naging kapalit hapdi n’yaring latay;
Ang hapong katawan ngayo’y ginigipit.


Mata’y piniringan ng pighati’t lumbay
Bibig binusalan tinungkab ang tibay;
Bagama’t malaya bilanggo ang isip.


Tinanikalaan ang paang pangsuhay
Ginapos ng luha itong mga kamay;
Ang hapong katawan ngayo’y ginigipit.


Pano pa aalpas hustisyang mahalay?
Kung ang nakaamba ay banta ng lamay.
Bagama’t malaya bilanggo ang isip,
Ang hapong katawan ngayo’y ginigipit.

*Ang artikulong ito ay nailathala sa Bulatlat, Tinig (March 2007) at Liwayway Magazine July (2007)

Emergency Fund ang Kailangan Hindi ang Emergency Powers

pic-7.jpg

Rey Tamayo,Jr.

Mukhang nagkumahog ang Malacañang sa pangunguna ni Executive Secretary Eduardo Ermita ng ipahiwatig nito kamakailan ang pagkakaroon ng interes ng Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na magkaroon ng Emergency Powers bunsod diumano sa hinaharap na krisis ng bansa. Ang nasabing karagdagang kapangyarihan na nais makuha ng pangulo kung saan kailangang magpasa ng batas ang Kongreso para mabigyan ng Emergency Powers ang Punong Ehikutibo upang masulosyunan ang malawakang tagtuyot na nararanasan sa iba’t ibang panig ng bansa.

Agad namang binatikos ng ilang mga kongresista sa Kamara ang padalus dalos na hakbang na ito ng Malacañang. Ayon kay Parañaque Rep. Roilo Golez, walang dahilan para bigyan ng Emergency Powers si Arroyo dahil ayon sa DOST maraming darating na bagyo sa mga susunod na buwan bagay na magbibigay lunas sa dry spell sa bansa. Duda naman si Bayan Muna party-list Rep. Teddy Casiño sa nasabing panukala ng palasyo, Aniya mahirap bigyan ng dagdag na kapangyarihan ang taong hindi mapagkakatiwalaan. Maging si Senate Pres. Manny Villar ay tutol dito, ang pinangangambahang krisis sa tubig at kuryente lalo na sa Metro Manila ay hindi kailangan ng kapangyarihan para masolusyunan ang nasabing tagtuyot kundi ang sapat na pondo upang magamit ang mga makabagong teknolohiya na makadaragdag ng kapasidad sa enerhiya.

Matatandaang noong 1993, humingi ng Emergency Powers si dating pangulong Fidel V. Ramos at agad namang tinugunan ng Kongreso nang minsang naharap sa isang power shortage ang bansa. Nakatulong pansamantala ang Emergency Powers sa panahong iyon kung saan naging sandigan ng bansa ang pagtatayo ng Independent Power Producers o IPP. Sa ilalim ng Emergency Powers noon, walang batas na dapat sundin sa anomang kontratang lalagdaan ng gobyerno. Sa nasabing kasunduan, babayaran ng pamahalaan ang enerhiyang gawa ng mga IPP, kahit na hindi na ito ginagamit. Ito marahil ang isa sa mga dahilan kung bakit nag atubiling bigyan ng Kongreso ng dagdag na kapangyarihan ang pangulo sa panahon ngayon ng krisis. Sariwa pa sa isipan ng ating mga kababayan ang ginawang pahirap bunga ng IPP lalo na sa mga mahihirap at sa mga maralitang taga lungsod.

Kung sabagay, marami pang alternatibong paraan ang Malacañang upang malutas ang kinakaharap na krisis ng ating bansa at hindi solusyon ang paghinngi ng Emergency Powers sa Kongreso sa dahilang baka maabuso lamang ito pagkatapos ng krisis.

Unang una, dapat pangunahan ng Malacañang ang pagtitipid ng kunsumo sa kuryente at tubig at ang malawakang kampanya ng pagtitipid ng enerhiya upang mahikayat ng pamahalaang Arroyo maging ang mga pribadong sektor sa ating lipunan na magtipid. Paano nga naman susuportahan ng taumbayan ang kanilang krusada kung mismong ang mga nasa tanggapan ng pamahalaan ay siyang pangunahing gastador.

Ikalawa, bagama’t nagpalabas na ang gobyerno ng P660M para matulungan ang mga apektado ng dry spell at para sa patuloy na cloud seeding operations. Ngunit sa kabila ng nasabing tulong ng gobyerno, hindi pa rin sapat ang nasabing pondo upang tugunan ng pangmatagalang problema ng tagtuyot sa bansa. Ang kailangan karagdagang pondo.

Ikatlo, panahon na upang ilabas ng pamahalaang Arroyo ang 20 bilyon pisong pondo ng AFMA (Agriculture and Fisheries Modernation Act) upang makatulong sa mga suliraning pang agrikultura na taun taon ay nararanasan sa ating bansa. Matatandaang noong 10th congress pa ay nakapasa na sa Kongreso ang nasabing batas o mas lalong kilala bilang Republic Act. No. 8435. Dagdag pa rito ang 1 bilyong pondo para sa irigasyon upang mapakinabangan naman ng ating mga kababayan na ewan natin kung nakakarating nga sa mga kanayunan ang nakalaang pondo para sa ating mga magsasaka.

Ikaapat, dapat sigurong ipatupad na rin ng pamahalaan ang EPIRA Law (Republic Act No. 9136) upang mapabuti ang power sector sa ating bansa. May mga banta na magtataas diumano ng mahigit piso kada kilowatt hour. Nakapaloob sa EPIRA law ang pasasapribado ng Napocor, ngunit tila may gustong mag amyenda nito. Habang hindi pa naibebenta ang Napocor, tila tuloy pa rin ang ilang opisyal nito sa pagmamanipula ng presyo ng kuryente na ibinibenta sa taumbayan.

Sa kasalukuyan, mukhang malabo na nang makuha ni Ginang Arroyo ang hinihingi nitong Emergency Powers. Ayon kay Press Sec. Ignacio Bunye, nasa 0.5 porsento lamang ang posibilidad na gamitin ng pangulo ang karagdagang kapangyarihan. Ngunit hindi rin tayo nakatitiyak sa mga mangyayari sa mga susunod na araw. Alam naman ng taumbayan na maraming kaalyado ang Malacañang sa Kongreso kaya’t kailangan magmatyag.