Tangkang Kudeta sa Makati, Bigo..Pati mga Mamamahayag, Inaresto

06trillanes.jpg

Rey Tamayo, Jr.

Naging tensyunado kamakailan ang buong bansa partikular sa Makati City matapos mag walk out sina senator Antonio Trillanes,IV , Brig. Gen. Danilo Lim, at mahigit 50 miyembro ng Magdalo soldiers sa isinasagawang pagdinig sa kasong rebelyon sa sala ni Judge Oscar Pimentel sa Makati Regional Trial Court.

Nagmartsa ang grupo nila Trillanes at Lim mula Makati RTC hanggang sa tuluyang magkuta sa Manila Peninsula Hotel sa nasabi ring lungsod na tumagal halos ng anim na oras. Kasabay nito, agad nanawagan sina Gen. Lim at Sen. Trillanes sa mga dating kasamahang (mistah) sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at maging sa Philippine National Police (PNP) na mag withdraw ng kanilang suporta sa kasalukuyang administrasyon dahil diumano sa pagkakasangkot ni pangulong Arroyo sa sari saring eskandalo, katiwalian sa gobyerno at graft and corruption.

Nanawagan din sila sa taumbayan at sa iba’t ibang sektor sa lipunan na suportahan ang kanilang grupo sa kanilang ipinaglalaban na bumaba sa puwesto si ginang Arroyo. Dumating sa nasabing panawagan sina sina Fr. Robert Reyes, dating Vice president Teofisto Guingona , Bishop Julio Labayen at iba pang sibilyan upang magpahayag ng suporta sa mga Magdalo leaders.

Binigyan ng ultimatum ng pamahalaan na hanggang alas tres ng hapon sila Lim at Trillanes na sumuko sa gobyerno sa pangunguna ni National Capital Region Command General Fernando Mesa ng AFP at NCRPO chief Geary Barias ng PNP ngunit nagmatigas ang kanilang grupo hanggang sa tuluyang pasukin ng mga tangke at nagpakawala ng mga teargas sa lobby ng nasabing hotel.

Tumagal pa ang tensyon hanggang ala sais ng gabi bago tuluyang sumuko ang tropa nila Sen. Trillanes at Gen. Lim matapos ang isang press con sa media. Aniya, minabuti nilang kusang sumuko upang huwag nang madamay ang mga taong nakapaligid sa Manila Peninsula at upang huwag ng dumanak ng dugo sa hanay ng mga marine at pulisya.

“We’re going out for the safety of everybody. We won’t be able to live with our consciences if some of you get hit or get killed in the crossfire,” ani Trillanes.

Matapos makontrol ng pulisya at militar ang sitwasyon sa Manila Peninsula at isa isa nang pinosasan ang mga nag-alsang sundalo ng Magdalo, kaagad ding dinampot ang ilang kagawad ng media na nag cover sa tinaguriang Makati siege. Kinumpiska ng mga awtoridad ang gamit ng media tulad ng tape recorders, camera at ang ilan ay pinosasan din gamit ang mga nylon cord. Ang ilan sa mga dinampot na mamamahayag ay isinakay sa bus at dinala sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig upang isailalim sa isang interogasyon.

Si Director Geary Barias ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang nag-utos na bitbitin ang lahat ng mediamen na kasama nila Sen. Trillanes sa loob ng hotel dahil sa ulat na ilang Magdalo members ang nagpanggap na mga mediamen para makapuslit sa barikada ng pulisya.

Si Senior Supt. Asher Dolina ng Criminal Investigation and Detection Group-NCR Office naman ang nag-utos na posasan ang mga reporter bago ilabas ng hotel at isakay ng bus patungong Bicutan.

Lalo pang naging tensyunado ang mga pangyayari nang magdeklara ang Malacañang ng “curfew”ng gabing iyon sa pangunguna ni DILG secretary Rolando Puno. Nangangamba ang publiko na baka mangyari muli ang kinatatakutang Martial Law na ipinatupad ng rehimeng Marcos noong September 21, 1972 sa bisa ng Proclamation No. 1081 kung saan isinailalim sa batas militar ang buong bansa.

Kinondena naman ng Kapisanan ng mga Bodkaster sa Pilipinas (KBP), National Press Club (NPC), Philippine Press Institute (PPI) at National Union of Journalist of the Philippines (NUJP) ang padalus dalos na habang na ito ng PNP bagama’t humingi na ito ng paumanhin ng una. Ayon sa mga mamamahayag ito’y tanda ng pagsikil sa malayang pamamahayag (freedom of the press) ng isang demokratikong bansa. Nakatakdang magsampa ng pormal na reklamo ang National Press Club (NPC) sa Commission on Human Rights (CHR) upang paimbestigahan ang ginawang pagdakip ng mga pulis sa mediamen na kumokober sa insidente.

Sa pinaka huling ulat, pinaghahanap na ng magkasanib na puwersa ng AFP at PNP at naglabas pa ng 1 milyong pisong pabuya ang Palasyo sa sinumang makapagtuturo upang maaresto ang puganteng Magdalo leader na si Army Capt. Nicanor Faeldon kasama ang tatlong iba pa na nakatakas sa kasagsagan ng kaguluhan sa Manila Peninsula Hotel.

Leave a comment

No comments yet.

Comments RSS

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s