Jalosjos, hindi kabilang sa pardon ni GMA

Ipinahiwatig kamakailan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na hindi umano kasama si dating Zamboanga Del Norte Rep. Romeo Jalosjos sa 57 inmates na binigyan ng pardon bilang regalo ngayong kapaskuhan.

Ito ay nilinaw ng Palasyo na walang utos ang Pangulo upang palayain si Jalosjos mula sa National Bilibid Prison (NBP).

Ipinaliwanag ni Chief Presidential Legal Counsel Sergio Apostol na nakikinig si Pangulong Arroyo sa boses ng taumbayan at isang malaking patunay dito ang naantalang  paglaya ni Jalosjos.

Ikinagulat din at ikinagalit aniya ni PGMA ang ulat na nakalabas na ng piitan ang convicted solon at ipinag-utos na huwag itong palayain dahil wala aniya itong ibinigay na executive clemency kay Jalosjos.

Idinagdag pa ng legal adviser na hindi pa napapanahon ang pagpapalaya kay Jalosjos at nagkaroon lamang umano ng kalituhan kaugnay sa ulat na paglaya ng dating kongresista.

Kasabay nito, sisimulan na ng DOJ ang imbestigasyon sa pagkalat ng balita hinggil sa paglaya ni Jalosjos. Itinalaga ni Gonzalez si Undersecretary Fidel Exconde na pamunuan ang imbestigasyon laban sa mga opisyal ng Bureau of Corrections.

Nais malaman ng kalihim kung paano naipalabas sa media ang kopya ng discharge sheet at kung sino ang nasa likod ng pagpapakalat ng photo copy ng discharge sheet kay Jalosjos gayundin kung sino ang nakalagda dito.

Iginiit ni Gonzalez na batay sa kanyang kalkulasyon, sa Abril 2009 pa dapat mapalaya si Jalosjos at hindi noong Disyembre 16.

Pinag-aaralan pa ng DOJ sa ngayon ang computation ni dating BuCor Director Vicente Vinarao kung saan nakasaad na Dec. 16, 2007 dapat mapalaya si Jalosjos base sa ipinagkaloob na “commutation of sentence” rito.

Sa hiwalay na panayam, kinumpirma naman ni Jalosjos na nakalabas siya ng NBP noong Disyembre 16, taliwas sa pahayag ni Justice Secretary Raul Gonzalez.

Huling nakitang lumalabas ng NBP maximum security compound si Jalosjos bago magtanghali noong Disyembre 17 matapos dumalo sa isang misa.

Ayon kay Jalosjos, sa huling instruction sa kanya ng mga prison officials, pansamantala siyang mananatili sa isang bahay sa NBP reservation na hindi umano sakop ng maximum security area.

Sinabi pa ni Jalosjos na talagang nakalabas siya sa NBP at bumalik na lamang matapos niyang mapag-alaman na hinaharang ng DOJ ang kanyang paglaya.

Nakatakda na sana siyang umuwi sa Dipolog, Zamboanga del Norte kung hindi hinarang ni Gonzalez ang kanyang tuluyang paglaya.

Ayon pa sa ulat, nakatanggap ng kopya ng discharge certificate si Jalosjos mula sa kanyang sekretaryang si Susan Arguelles. Nilagdaan ito ni Penal Supt. IV Juanito L. Leopando.

Iginiit pa ni Jalosjos na legal ang kanyang release order at kukuwestyunin ng kanyang mga abogado ang anumang hakbang na muli siyang ikulong sa maximum security prison.

Nauna nang pinabulaanan ni Gonzalez na nakaalis na si Jalosjos sa NBP bagaman pinaimbestigahan ng kalihim ang kopya ng release order ng dating mambabatas na ipinalabas ng Board of Pardons and Parole (BPP).

Si Jalosjos ay hinatulan ng double life sentence at nakapagserbisyo na ng 13 taon sa loob ng NBP matapos mapatunayang ginahasa nito ang isang 11 anyos na dalagita noong 1995.

Contributor: Sol Salazar

Leave a comment

No comments yet.

Comments RSS

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s