Estrada at Ramos tatakbo sa 2010 election?

Rey Tamayo, Jr.

Bagama’t makailang beses nang nagpahiwatig si dating pangulong Joseph “Erap” Estrada na hindi siya tatakbo bilang pangulo sa nalalapit na presidential election sa taong 2010, hindi pa rin tapos ang usaping ito dahil na rin sa maraming ng miyembro ng oposisyon na humihikayat kay Erap na tumakbo sa pagkapangulo. Sa pag iikot ni Erap sa mga iba’t ibang lugar sa kamaynilaan upang mamigay ng tulong sa mga mahihirap, lagi hinihimok  nina Mayor Alfredo Lim at dating Senador Ernesto Maceda na lumahok sa darating na eleksiyon.

Ayon sa tagapagsalita ng United Opposition na si Atty. Adel Tamano, kung hindi aniya magkakaisa ang oposisyon kung sino sa  kanila ang magiging pambato sa pagka pangulo, nakahanda umano si dating pangulong Estrada na sumabak muli sa politika upang hindi na maulit ang nangyari noong 2004 presidential election kung saan parehong tumakbo bilang pangulo si Senator Panfilo Lacson at ang yumaong si Fernando Poe, Jr. dahilan upang manalo si ginang Arroyo ng administrasyon.

Matatandaang maagang pinaghandaan ng dalawang maimpluwensyang political party ang kanilang magiging manok sa pampanguluhang eleksyon.  Nakahanda na ang  Liberal Party para suportahan ang kandidatura ni Sen. Mar Roxas na siya ring pangulo ng nasabing partido gayundin ang Nacionalista Party na nag anunsyo na rin ng kahandaan sa nalalapit na eleksiyon.

Ikinakasa na rin ng National People’s Coalition ang kanilang partido upang patakbuhin si Senator Loren Legarda bilang pangulo ng bansa  at handa naman diumano magpaambon si Senator Ping Lacson sa Lakas-CMD kung saka sakaling tuluyan ng maghiwalay ng landas si Pangulong Arroyo at House Speaker Jose de Venecia. Posible rin umanong sumabak si United Opposition President at Makati Mayor Jejomar Binay bilang alternatibong kandidato.


Kamakailan, nagparamdam din si dating pangulong Fidel Ramos na muling makabalik sa Malacañang matapos na lumabas ang  ulat sa Philippine Star na isinatinig ni Ed Malay, tagapagsalita ni Ramos. Aniya, maari din umanong tumakbo si Ramos tulad ng pamumulitika kay Estrada.

Magugunita na naipanalo ng partido Lakas-National Union of Christian Democrats noong 1992 presidential election si Ramos bilang pangulo ng bansa laban kina Senator Miriam Depensor Santiago ng  People’s Reform Party at Danding Cojuangco ng Nationalist People’s Coalition.

Samantala, nagbabala naman ang Palasyo sa pamamagitan ni Sergio Apostol, chief presidential legal counsel laban sa kampo ni Estrada hinggil sa naglabasang  espekulasyon. Ayon pa kay Apostol, nakasaad umano sa nasabing executive clemency na ipinagkaloob ni pangulong Arroyo ang isang kondisyon na hindi na maaaring kumuha si Estrada ng anumang posisyon sa pamahalaan bilang kapalit ng kaniyang kalayaan.

Aminado rin si Apostol na maaari umanong baliin ni Estrada ang nasabing kasunduan ngunit magdudulot ito ng problemang legal at ground para sampahan si Erap ng disqualification.

Sinang-ayunan naman ni Justice Sec. Raul Gonzalez ang pahayag ni Apostol hinggil sa diskwalipikasyon ni Estrada na mu­ling maghangad na makabalik sa Malacañang sa pamamagitan ng isa pang eleksyon.

Naniniwala pa rin ang oposisyon na malakas pa rin ang hatak ni Erap sa taumbayan lalo na ang mga loyalista sa dating pangulo na hindi mahihirapan si Estrada na muling makabalik sa Malacañang kung sakaling tatakbo ito sa nalalapit na halalan. Bagama’t marami pa ang maaaring mangyari sa takbo ng politika sa bansa ngunit hindi maikakaila na isang bentahe sa mga tatakbong pangulo kung makukuha nila ang suporta at basbas ni Erap at hindi rin malayong si Estrada mismo ang manguna bilang lider sa hanay ng oposisyon.

 

Leave a comment

No comments yet.

Comments RSS

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s