Larawang Iniukit sa Puso

Rey Tamayo Jr.

Bakas sa mukha ni Samuel ang pagiging balisa habang nag-aalumpihit sa mabilis na paglalakad patungo sa baryo Pulag. Maya’t maya ang paglingon sa kanyang likuran upang tiyakin na walang taong nakasunod sa kanyang paglalakad. Halos matalisod na siya sa pagmamadali sa mga nagkalat na malalaking ugat sa kanyang dinadaanan. Pumanglaw na rin ang sikat ng araw na kanina lamang ay anong kay tinding init na labis na kumitil ng kanyang lakas. Hindi pa rin siya nilulubayan ng mala butil ng monggo ng pawis sa kanyang mukha.

Panandaliang sinandal ang kanyang likod sa isang patay na puno ng Balite sa tindi ng pagod. Ilang saglit pa’y napadausdos ang kanyang buong katawan at napaupo sa nakausling ugat ng balite. Dali dali niyang nilagok ang natitirang baong tubig mula sa kanyang dala dalang back bag. Nakaramdam siya ng kaunting ginhawa ng madaanan ng tubig ang kanyang tuyong lalamunan matapos ang halos makalagot hininga sa pagmamadali upang makarating sa takdang oras sa lugar ng tipanan. Mabilis niyang dinukot mula sa kaliwang bahagi ng bulsa ng kanyang pantalon ang halos kupas ng mapa na naging giya niya sa paglalakbay. Ngumiti ng bahagya ang kanyang labi sabay ang pagsulyap sa kanyang relo.

“ Mag-aalas singko na ng hapon, tamang tama narito na ako sa lugar kung saan makikipagkita si Bruno” bulong niya sa sarili.

Nakaidlip si Samuel sa tindi ng pagod. May halos dalawampung minuto rin siyang walang malay tao bago siya bulabugin ng dalawang kalalakihang armado ng baril.

“ Hoy, gising! Anong pangalan mo?” tanong ng isang binatilyong may hawak ng armallite habang nakatutok ang baril sa mukha ni Samuel.

“Samuel,Samuel ang pangalan ko.” bigla niyang naisagot ng siya’y maalimpungatan.

“Wala ka bang kasama?” tanong ng isa pang nakaunipormeng pangsundalo ngunit halatang menor de edad ang anyo nito.

“Wala, wala akong kasama.” sunod niyang naisagot.

“Sige, tumayo ka, kanina ka pa hinihintay ni kumander”

Piniringan nila ang mga mata ni Samuel habang ginapos naman ang kanyang mga kamay. Nakikiramdam siya sa mga maaaring mangyari habang ginigiya sa paglalakad patungo sa kanilang kampo. Lumipas ang sampung minutong paglalakad, nakarinig siya ng kakaibang ingay buhat sa isang grupo ng mga kalalakihan na animo’y nagsasanay bumaril na di kalayuan sa kanyang kinalalagyan. Ipinasok siya sa isang tolda, matapos siyang paupuin ay agad namang tinanggal ang piring sa kanyang mga mata at kinalas ang pagkakagapos sa kanyang kamay. Nang makalagan nila si Samuel, kaagad na lumabas ng tolda ang dalawang binatilyo. Hinanap niya agad ang dalang kamera upang usisain ang dalang gamit.

“Kumusta ka na, kaibigan?” tinig ng isang matipunong lalaki.

Pamilyar ang boses na iyon kay Samuel, dahan-dahan niyang iniangat ang kanyang ulo at minsang pang nakita muli ang matagal ng nawaglit na kaibigan na mula pagkabata’y kasa kasama na niya. Mabilis na pinitik ni Samuel ang gatilyo ng kanyang kamera at isang larawan ang muling nabuo na matagal nang napanas ng panahon.

“ Hindi ka pa rin nagbabago, Samuel. Mabilis ka pa ring pumitik ng kamera.” habang ngumingising lumapit kay Samuel at inabutan ng isang basong mainit na kape saka naupong kaharap niya.

“Salamat, Bruno. Kumusta ka na?” sabay higop ng mainit na kape.

“Pasensiya ka na at kape lang ang maibibigay ko saiyo, hindi tulad sa patag kahit ano pwede mong inumin at kainin.. Ito buhay pa naman at patuloy pa rin sa pakikipaglaban.”

“Ano pa ba ang inyong ipinaglalaban”? mabilis na tanong sa kaibigan.

Nanuot sa pandinig ni Samuel ang isang malalim na buntong hininga galing kay Bruno.

“ Tara labas tayo” anyaya ni Bruno.

Muling ikinasa ni Samuel ang kanyang kamera upang muling kumuha ng mga larawan. Habang naglalakad sila sa loob ng kampo, panay naman ang kuha ni Samuel ng mga larawan. Iba’t ibang senario ang nasaksihan ng kanyang antik na kamera na kailanman ay hindi maaaring baguhin ng paningin ng sinuman. Mananatili ang mga larawan upang patunayan sa mga tao ang reyalidad na nagaganap sa ating lipunan na pinatitingkad pa ng sari saring emosyon sa bawat pitik ng gatilyo ng kamera. Biglang natigilan si Samuel nang marinig niya ang makahulugang pangungusap ni Bruno.

“Hindi maaaring itago ng iyong mga obrang larawan ang kasalukuyang nangyayari sa ating bayan. Mahusay kang retratista at premyadong manunulat, taglay mo ang mga katangiang iyan buhat pa noong tayo’y nasa kolehiyo, pitong taon na nakalilipas. Madalas pa nga tayong magkalaban sa finals sa tuwing ang iyong mga panulat at larawan ang siyang natatampok sa isang patimpalak. Minsan panalo ka, talo naman ako. At kung minsan nama’y panalo ako, talo ka. Iyan ang buhay natin, hindi sa lahat ng panahon may ligaya; minsan kinakailangan mo ring magpatulo ng luha. Kaya lang may mga taong ang gusto lamang ay ligaya at ni ayaw makita ang mga luha ng pagsubok. At iyon ang aming ipinaglalaban”

“ Ang pagkakapantay-pantay ba ang ugat at bunga ng inyong pakikibaka.”

“Isa lamang iyon, hangga’t may mga taksil sa soberanya ng ating bayan at hangga’t may mga taong lango sa kapangyarihan, hindi matatapos ang aming pakikipaglaban sa pamamagitan armadong pakikibaka. ”

“Iyan ba ang matuwid na pakikipaglaban? na pati ang mga minor de edad, kababaihan at halos pati mga musmos sa pakikibaka ay idawit sa inyong pag-aaklas”

“Oo, dahil kinakailangan. Ito ang ideyalismong ipinakilala sa amin alang-alang sa isang progresibong pagbabago sa ating bayan at pakikisangkot sa mala piyudalismong lipunan na dapat ay wakasan sa pamamagitan ng armas at prinsipyong magpapalaya sa amin sa kamay ng mga elitistang burgis.”

“Ang akala mo ba’y makakatulong ang armadong pakikibaka na kasangkapan ang mga kabataan sa sinasabi mong pagbabago, na dapat sana’y ang mga kabataang iyan ay nasa mga paaralan upang kumuha ng edukasyon”

“Tama ka, edukasyon, ngunit mananatiling lumpo ang edukasyong iyan hangga’t patuloy na kinakamkam ang aming kaunting karapatan upang matuto ng karunungan, dahil takot silang mabunyag ang kanilang kabulukan sa sandaling matuto kaming lumaban ng talino sa talino. Ang pagbabago ay isang mahabang pakikipagbuno ng mga pananaw at adhikain. Kinakailangang mulat ang mga kabataang ito sa isang waring kanibalismong gawain ng mga taong mapagsamantala sa mga tulad naming pinalaki at inilugmok sa kahirapan. Hindi namin malasahan ang pagkaing iniaalok ng mga nasa tungkulin dahil kaluluwa namin ang uhaw at gutom sa kahirapan.”

“ Kung inapi ka, hayaan mong ang hustisya ang lumitis. Bakit mo ilalagay sa iyong mga kamay ang batas?”

“Hustisya ba kamo?, Bulag na ang hustisya sa ating bayan ngayon. Nakapiring na ang mga mata ng hukom na gahaman sa salapi. Mas matimbang na ang pera kaysa sa tunay na hustisya. Pagod na ang masa sa paghihintay na makamit ang sinasabi mong hustisya. Ang mga walang sala, karamihan nakapiit sa mala impiyernong bartulina samantalang ang mga buwaya’t pugante sa gobyerno na lantarang sumisikil ng aming karapatan, nasaan? Andoon, labas pasok sa kanilang palasyo!”

“ Ngunit hindi lahat ng nasa pamahalaan ay hindi gaya ng iniisip mo”?

“Tama ka, at sumasaludo ako sa mga taong iyon na ewan ko kung nasaan na sila. Nasaan ang matitinong hukom na sinasabi mo, noong hatulan ako ng salang pagpatay na sa hinagap ko’y hindi man lamang sumagi sa isip ko na pumatay ng kapwa. Alam mo iyan. Hindi lang ako ang biktima ng mga huwad na propaganda, marami kami. Ngayon masisisi mo ba kami kung kami’y humawak ng armas upang ituwid ang buktot na sistemang ipinagmamalaki mo. Pagmasdan mo ang nasa iyong paligid, halos lahat ng iyan ay biktima ring tulad ko”

“Pero hanggang kailan kayo gagamit ng armas na ipupuksa n’yo sa inyong kapwa?”

“Hindi ko alam kung kailan matatapos, isa lang ang natitiyak ko. Hangga’t may mga demonyo sa gobyerno, hindi ko bibitawan ang aking armas. Samuel, demonyo lang ang dapat magbayad sa amin ng utang at hindi ang ating kapwa. Kilala ko ang aking kapwa” pagdidiin ni Bruno habang inilalapit ang kanyang mukha sa kaibigan.

Muling narinig ni Samuel ang ikalawang bagting ng buntong hininga galing sa kaibigan. Marahang naglakad palayo na nakatalikod sa kanya. Unti-unting humulagpos ang isang tinig ng paglalambing buhat kay Bruno.

“Marahil pagbaba mo sa patag, pagkakaguluhan ang iyong mga nakuhang larawan dito sa kampo ng mga kapwa mo media, militar, pulisya at maging ng pamahalaan. Pagpipiyestahan ang gagawin mong artikulo tungkol sa akin.”

Bahagyang napatawa si Samuel sa narinig sa kaibigan sabay ang pagkuha ng larawan kay Bruno.

“Alam mo Samuel, malayo na ang narating mo. Isang sikat na manunulat at retratista ang kaharap ko ngayon. Ilang beses ka nang sinabitan ng medalya at tataggap muli ng parangal. Kaisa-isang mediaman na nakatuntong sa kuta ng berdugong si kumander Bruno. Berdugo, masamang tao, kriminal at terorista, iyan ang tingin ng lipunan sa akin sampu ng aking mga kasama.”

“Bakit mo ginagawa ito sa akin, di ka ba natatakot sa maaaring mangyari pagkatapos ng ating pag-uusap?” wika ni Samuel.

“ Hindi, dahil may tiwala ako saiyo. Ikaw ang magbibigay ng makatotohanang impormasyon tungkol sa amin. Ikaw ang magsisilbing tulay upang malaman ng pamahalaan kung ano ang aming ipinaglalaban. Ipabatid sa kanila kung bakit kami nagkaganito, dahil na rin sa kanilang kapabayaan. Titigil lamang kami sa rebolusyunaryong pagkilos kung matitiyak namin na ang hustisya ay para sa lahat ng tao alang alang sa bayan”

Bagama’t mabagsik ang tingin ni Bruno sa mga mata ng kaibigan ngunit napansin ni Samuel sa isang sulok na dako ng kanyang mata’y may nalaglag na luha mula sa isang nagpupuyos na damdamin. Ilang sandali pa’y muling lumapit kay Samuel ang dalawang binatilyong armado ng mga baril ng suminyas si Bruno sa kanila tanda upang muli siyang piringan sa mata at gapusin ang mga kamay. Ngunit natigilan sila ng marinig nila ang isang mahinang tinig na waring nakikiusap.

“Maari ko bang ilibot minsan pa ang aking mga mata sa dakong ito upang kumuha ng mga larawang hindi napapanas na maisisilid sa aking puso upang magsilbing alaala. Upang magsilbing inspirasyon na minsan may isang katotohanan sa tabing ng kawalang malay. At hindi ang larawan na buhat sa kamera na maaaring mabura sa paglipas ng panahon.”

“ Malaya kang kumuha ng mga tunay na larawan na maaaring iimbak sa bawat puso.”

Iginala ni Samuel ang kanyang mga mata, mula sa dulo, natanaw niya ang mga grupo ng kalalakihan na abala sa pagbabantay sa kanilang kampo; hanggang sa mabalingan niya ang mga patpating mga bata na pinapasuso ng kani-kanilang mga magulang na mababakas sa kanilang mga mukha ang kahirapan ng buhay ngunit walang maatrasan. Sa patuloy na paglibot ng kanyang mga mata’y nadaanan niya ang mga kabataang lalaki at babae na sinasanay upang maihanda ang kanilang sarili sa isang malawakang pakikipagdigma gamit ang sandata. Sa dakong dulo nama’y ang ilang mga ginang na walang tigil sa pagpapaypay ng kakarambot na baga upang lumabas lamang ang kaunting apoy na makapagpapainit ng malabnaw na kape na madalas gawing hapunan sa kanilang kampo.

Huli niyang tiningnan ang kaibigan na di nalalaman kung may darating pang pagkakataon na muli silang magkikita sa susunod na araw, buwan o maging sa darating pang mga taon. Isang bagay ang natitiyak ng magkaibigan, bagama’t magkaiba sila ngayon ng ideyalismo, pananaw at prinsipyo sa buhay. Nananatili ang kanilang pagiging tunay na magkaibigan.

“Bago mo ipagapos ang aking mga kamay, hayaan mong makamayan kita tanda ng ating pagiging magkaibigan.” wika ni Samuel.

“Salamat Samuel, humahanga ako sa iyong determinasyon.”sabay ang pakikipagkamay sa kaibigan.

Matapos ang sandaling pamamaalam, kusang nagpagapos ng kamay at kusang nagpapiring ang kanyang mga mata si Samuel upang hindi niya makita ang daan patungo sa bayan. Nakita niya ang pusikit na dilim ng siya’y piringan sa mata. Ngunit sa kabila ng dilim, may nakita siyang kaunting liwanag at ang liwanag na iyon ang nagsilbing tanglaw sa kanilang pagkakaibigan.

Makalipas ang isang linggo, tinangka ni Samuel na alisin ang piring sa kanyang mata ngunit pinigil siya ng isang nakagigimbal na pangyayari.

“Buti naman Samuel at nagkamalay ka na!” wika ni Dyan na waring nangangamba habang nagsasalita sa kasintahan.

“Dyan, ikaw ba iyan?” tanong ni Samuel sa kasintahan habang pilit na bumabangon mula sa pagkakahiga.

“Oo, ako ito, huwag ka munang bumangon. Sabi ng doktor huwag ka munang kumilos dahil makakasama ito sa kalagayan mo at isa pa sa susunod pang dalawang linggo bago maalis ang piring sa iyong mga mata. Nagkaroon kasi ng impeksyon sa iyong mga mata ng tamaan ka ng granada dun sa kampo ng mga rebelde” paglalahad ni Dyan.

“Bakit, ano ba ang nangyari?” usisa ni Samuel.

“Ganito po, isang linggo na ang nakakalipas ng lusubin ng mga sundalo ang kuta ng mga rebelde sa baryo Pulag. Alam mo ba na maraming namatay na rebelde pati nga yung kumander nila napatay daw ayon sa balita. Ayun po, (Nagkibit balikat at muling nagsalaysay) headline nga sa mga diaryo, t.v., at radio ang balitang iyon; tapos nun syempre pinarangalan si mayor doon sa atin. Siya daw kasi ang itinuturing na bayani kaya nasugpo yung mga rebelde sa lugar natin.” dagdag niya.

“Ganun ba?”

“Oo, hindi ko nga alam na naroon ka pala sa lugar na iyon. Bakit pumunta ka pa doon alam mo naman delikado ang baryong iyon, buti naman at hindi malala yung mga sugat mo. Nag-alala tuloy ako saiyo, wait lang at may kumakatok sa pinto.”

Dali-daling binuksan ni Dyan ang pinto ng kanilang kuwarto upang pagbuksan ang kumakatok. Habang si Samuel nama’y nag-aalala kung ano ang nangyari sa mga kabataan, mga kababaihan at maging sa mga musmos na bata na nakita niya sa kampo ng kanyang kaibigan. Hindi napigilan ni Samuel ang pagtulo ng kaniyang mga luha sa labis na pag-aalala sa kaibigan na minsan isang panahon ay pinagkatiwalaan siya.

“Samuel, kaibigan mo raw, Bruce ang pangalan?”

Sige, papasukin mo.”habang nagtataka kung sino ang misteryosong bisita niya.

“Bruce, wala naman akong kilalang Bruce ang pangalan.” bulong sa sarili.

“Samuel, naiwan mo itong bag mo sa bahay na may lamang kamera. Alam kong malaki ang maitutulong nito upang malaman ng publiko ang isang mukha ng katotohanan. Sige, hindi ako puwedeng magtagal dito sana gumaling ka agad at pati na ang iyong paningin dahil marami ang umaasa sa iyong mga larawan at sa mga gagawing mo pang artikulo, Aalis na ako kaibigan.”

“Teka lang, Brun…Bruce.” paghahabol ni Samuel.

“Ang tinig na iyon, hindi ako maaaring magkamali. Tinig iyon ng kaibigan kong si Bruno. Buhay siya, buhay.” ) bulong muli ni Samuel sa sarili.

Wakas

Leave a comment

No comments yet.

Comments RSS

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s