Balangiga Bells

Rey Tamayo, Jr.

Sa ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte, tahasan nitong sinabi na kailangang ibalik ng Estados Unidos ang tatlong Balangiga bells dahil pag-aari ito ng Pilipinas at bahagi na ng national heritage ng bansa.

 

Bagama’t aminado ang mga historian at mga politiko ng dalawang bansa na mahihirapan ang pamahalaan ng Amerika na kumbinsihin ang mga beteranong sundalo nito na tuluyang maibalik ang mga kampana sa Pilipinas. Matatandaang sinikap noon ni dating Pangulong Fidel Ramos na maibalik ang Balangiga bells at pinaboran naman ito ni US President Bill Clinton ngunit bigo pa rin dahil sa pagtutol ng mga Amerikanong sundalo.

 

Taong 1901, sa kasagsagan ng Philippine-American War — 48 American soldiers ang napatay ng umatake ang mga Filipinong gerilya at nakipaglaban sa bayan ng Balangiga sa isla ng Samar. Ang nangyaring giyera sa Balangiga ay itinuturing na ‘worst defeat’ ng US army matapos ang Battle of the Little Bighorn noong 1876.

 

Ang paglaban ng mga Filipino sa kolonyalismo ng Estados Unidos ay tanda ng katapangan laban sa mga dayuhang mananakop.

 

Muling bumalik ang tropa ng mga Amerikano sa Balangiga na may sapat na puwersa sa pangunguna ni Gen.Jacob H. Smith kung saan ipinag-utos nito na patayin lahat ang mga kalalakihan na may edad na sampung taong gulang pataas. Naging hudyat sa mga taga Balangiga ang tunong ng mga kampana na tanda na may paparating na pag-atake mula sa mga Amerikanong sundalo.

 

Ang mga pag-atake ng tropa ng Amerika ay nagresulta ng tinatayang 2000 hanggang 3000 na mga napatay at ang karamihan ay mga sibilyan at binansagan itong Balangiga masscre. Nang makontrol ng mga Amerikano ang bayan ng Balangiga, kinuha ng mga sundalo ang tatlong kampana ng Balangiga Church na tanda umano ng tagumpay ng kanilang tropa laban sa mga Filipinong gerilya.

 

Ang giyera sa bayan ng Balangiga ay nananatiling pinaka kontrobersyal na isyu sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos. Maging ang mga Filipino at mga Amerikanong historyador ay nagkakasalungat sa mga records at data ng naturang labanan.

 

Para sa Amerika, ang Balangiga Bells ay simbolo na minasaker ng mga Filipinong gerilya ang tropa nila na nakabase sa Isla ng Samar ngunit para sa mga Filipinong historyador malinaw na ang mga sundalong Amerikano ang nagmasaker sa mga mamamayan ng nasabing bayan dahil sa maraming sibilyan at mga kabataan ang kanilang pinatay.

 

Sa kasalukuyan, nananatili sa kustodiya ng Estados Unidos ang tatlong Balangiga bells– ang isang kampana ay nasa base militar ng 9th Infantry Regiment sa Camp Red Cloud sa South Korea samantalang ang natitirang dalawang kampana ay nasa 11th Infantry Regiment sa F.E. Warren Air Force Base sa Cheyenne, Wyoming.

 

Mahigit 100 taon na ang nakalilipas mula ng agawin ng mga sundalong Amerikano ang mga antigo at makasaysayang Balangiga Bells na nagsilbing alaala ng isang matapang na pakikipagdigma ng mga Filipino laban sa mga dayuhang sundalo. Para sa mga Filipino lalo na sa mga taga Balangiga, ang mga naturang kampana ay bahagi na sa puso ng mga Pinoy tanda na may matatapang na mga Filipino na lumaban upang makawala sa mga mananakop at ipaglaban ang kalayaan ng bansa.

Internet Libel

Rey Tamayo, Jr.

Kamakailan ay naging usap-usapan sa social media (facebook) ang salitang “internet libel” matapos na arestuhin at makulong ng tatlong araw ang isang makatang taga-Angono na si Danilo Diaz. Ayon mismo kay Diaz, nag-ugat ang kasong internet libel laban sa kaniya dahil umano sa mga kritikal niyang mga tula at komento na ayon sa nagdemanda ay mapanirang puri.

 
Ang warrant of arrest ay ini-issue ni Tarlac City Branch Presiding Judge Maria Flor A. Ortiz noong February 28, 2017. Nagkakahalaga naman ng P12,000 ang piyansa na ipinataw kay Diaz para sa kaniyang pansamantalang paglaya habang umuusad ang kaso sa korte.

 
Hindi ko kilalang personal si ginoong Diaz ngunit nakasama ko na rin siya sa ilang mga aklat-antolohiya ng mga tula tulad ng “Ipuipo sa Piging” na nailathala noong 2010.

 
Bilang isang responsableng mamamayan, dapat alam ng bawa’t isa sa atin at itinuturo rin sa atin ang ating mga karapatan at kalayaan na itinatadhana ng Saligang Batas upang hindi tayo maabuso at hindi rin makapang-abuso.

 
Sa kasalukuyan, ginagarantiyahan ng Saligang Batas (1987 Philippine Constitution) ang Bill of Rights kung saan nakapaloob na may karapatan ang bawat isa sa atin na tamasahin ang malayang pamamahayag at ekspresyon —

 
(Article 3 Section 4) No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press, or the right of the people peaceably to assemble and petition the government for redress of grievances.

 
Ngunit kung minsan ang kalayaang ito ay humihigit sa kaniyang limitasyon. Inaabuso ng iba ang karapatang ito na maaaring makapagdulot na masira ang reputasyon sa publiko ng isang indibidwal, grupo, kompanya o maging ang isang institusyon.

 
Kaya’t may mga batas rin na ginawa ang ating mga mambabatas upang maprotektahan naman ang integridad at puri ng bawat indibidwal.

 
Sa Article 353 ng Revised Penal Code malinaw ang probisyon ng batas na ipagtanggol ang kaniyang sarili laban sa mga malisyoso, maling paratang at mapanirang puri akusasyon; ito ang libel.

 
A libel is public and malicious imputation of a crime, or of a vice or defect, real or imaginary, or any act, omission, condition, status, or circumstance tending to cause the dishonor, discredit, or contempt of a natural or juridical person, or to blacken the memory of one who is dead.
Masasabing matibay ang kasong libelo kung nakapaloob ang apat (4 )na elemento nito:

Defamatory

Malicious

Given publicity

Victim must be identifiable

 

Naisabatas din ang Republic Act No. 10175 o mas kilala sa tawag na Cybercrime Prevention Act at Republic Act no. 8792, o mas kilala naman sa tawag na Electronic Commerce Act na nilikha upang protekhanan din ang bawat indibidwal sa modernong panahon ng internet.

 
Ilan lamang ito sa mga batas na magiging giya natin upang maging responsable tayo sa ating mga nararapat sabihin, sulatin at ang pagpopost sa mga social media upang hindi tayo maakusahan ng libelo.

 
Mahalagang antabayanan ang kaso ni ginoong Diaz dahil ito marahil ang unang kasong internet libel laban sa isang makata na ang isang dahilan ay ang mga gawa niyang tula.

 

Kaya’t maging maingat, mapanuri, mapagmatyag sa ating mga ipinopost at maging sa ating pagkokomento sa social media.

Martial Law kontra Terorismo

Rey Tamayo, Jr.

Mayo 23, 2017 – Ang pinakahuling insedente ng pag-atake ng teroristang Maute group sa Marawi City ang tuluyang nag-udyok kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipatupad ang Martial Law sa buong rehiyon ng Mindanao upang mapigilan ang karahasan, lawless violence at rebelyon na posibleng maidulot ng terorista grupo na pinaniniwalaang konektado sa ISIS.

Batay sa security at intelligence units ng pamahalaan, mayroong direktiba ang ISIS sa Maute group at Abu Sayyaf leader Isnilon Hapilon na ngayong nagsanib puwersa upang magtatag ng ISIS state sa Mindanao at magsagawa ng pag-atake sa gobyerno.

Ang pagdedeklara ng pangulo ng Martial Law ay nakapaloob sa kasalukuyang Konstitusyon (Article VII Section 18).

The President shall be the Commander-in-Chief of all armed forces of the Philippines and whenever it becomes necessary, he may call out such armed forces to prevent or suppress lawless violence, invasion or rebellion. In case of invasion or rebellion, when the public safety requires it, he may, for a period not exceeding sixty days, suspend the privilege of the writ of habeas corpus or place the Philippines or any part thereof under martial law.

Dahi sa umiiral na ang Martial Law, mahigpit na tagubilin ni Pangulong Duterte sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang pagpapatupad ng ‘rule of law’ at pagrespeto sa karapatang pantao ng bawat indibiduwal.

Nilinaw naman ng Department of National Defense sa militar na sa ilalim ng batas militar ay hindi suspindido ang Konstitusyon, at ang operasyon ng mga judicial at legislative assemblies.

Nananatiling na ang mga civilian courts pa rin ang may pangunahing hurisdiksyon sa mga kaso laban sa mga sibilyan at hindi ang mga military courts. Hindi rin umano suspendido ang writ of habeas corpus.

Sa ilalim ng batas militar magkakaroon ang AFP ng police powers na mag-aresto ng mga hinihinalang suspek sa krimen.

Upang matiyak naman ang karapatan ng mga suspek at hindi malalabag sa ilalim ng batas militar ay bumuo na rin ng guidelines ang PNP tungkol dito at mayroong do’s and dont’s sa Martial Law. Layunin ng nasabing guidelines na maprotektahan ang karapatan ng mga sibilyan kahit pa umiiral na ang Martial Law sa Mindanao.

Samantala, nakababahala ang pagiging radikal ng mga teroristang grupo sa pagrerecruit sa mga kabataang Muslim para sumama sa kanilang ideolohiya. Ang nangyayari umanong giyera sa Marawi City ay hindi lamang simpleng rebelyon ng ilang Pilipino laban sa pamahalaan kundi maituturing itong invasion ng foreign terrorists na minamaniobra ng grupong ISIS na lumalaganap na sa Gitnang Silangan ng Asya.

Pitong barangay na ang umano’y hawak ng ISIS-inspired Maute fighters kabilang na dito ang checkpoint ng ISIS sa Sarimanok road, Barangays Saber, Mapandi, Amai Pakpak, Basak Malutlut, Amai Pakpak, at Calokan.

Ipinaliwanag din ni Pangulong Duterte na ang pagdedeklara niya ng Martial Law sa buong rehiyon ay bahagi ng estratehiya para mapigilan ang posibleng pagkalat ng karahasan o ‘spill-over’ sa labas ng Mindanao. Wala umanong dapat na ikabahala ang publiko dahil ang pangunahing puntirya ng Martial Law ay ang mga miyembro ng ISIS at ibang lawless elements.

At sana sa lalong madaling panahon ay maresolba agad ng pamahalaan ang krisis na kasalukuyang nagaganap sa Mindanao upang maibalik sa normal ang pamumuhay ng ating mga kababayan na naiipit lamang sa giyera sa pagitan ng mga terorista at ng tropa ng militar.

Hindi natin maitatanggi na sa bawat giyera at kaguluhang nagaganap sa ating bayan ang laging apektado ay ang mga inosenteng sibilyan.

Pray for Marawi.

Ano ang Impeachment Complaint?

Rey Tamayo, Jr.

Kamakailan ay naging laman ng balita ang pagpa filed ng impeachment complaint ni Magdalo Representative Gary Alejano kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil umano sa mga kaso kinasasangkutan ng pangulo tulad ng culpable violation of the constitution, bribery, betrayal of public trust, at graft and corruption.

Nasundan pa ito ng magpahayag ng interes si House Speaker Pantaleon Alvarez hinggil sa posibilidad na pagsasampa ng impeachment complaint laban naman kay Vice President Leni Robredo dahil umano sa betrayal of public trust.

Nag-ugat ang nasabing impeachment complaint ng magpadala ng recorded video statement sa United Nations forum na tumatalakay sa palit-ulo issue na malinaw umanong “treasonous”at pagtuligsa sa negatibong epekto ng malawakang kampanya ng Duterte administration upang masugpo ang talamak na bentahan ng ilegal na droga. Ikinakasa na rin ng mga volunteer lawyers ang isa pang impeachment complaint kay VP Robredo dahil sa pagsira ng imahen ng bansa sa unverifi ed statements sa international community (economic sabotage).

Para sa isang ordinaryong si Juan dela Cruz. Ano nga ba ang Impeachment at ang mga nakapaloob dito?

Ang impeachment complaint ay ginagarantiyahan ng Konstitusyon ng Pilipinas. Ito ay nakapaloob sa Section 2 at 3 ng Article XI, na tanging ang Mababang Kapulungan ng Kongreso (House of Representative) ang siyang may mandato na magsampa ng impeachment cases laban sa Pangulo, Ikalawang Pangulo, mga miyembro ng Korte Suprema, mga miyembro ng Constitutional Commissions (tulad ng Commission on Election, Civil Service Commission, at Commission on Audit) at ang Ombudsman.

Kung makakakuha ng one-third na boto mula sa mga miyembro ng House of Representatives para iendorso ang mga impeachment articles ay kaagad na maglalabas ng resolusyon upang maipadala sa Senado.

Ang Senate of the Philippines naman ang magsisilbing impeachment tribunal sa mga impeachment case kung dapat bang alisin sa puwesto ang isang opisyal o kayaý ma-acquit sa kinakaharap na kaso. Sa pag-usad ng impeachment proceeding ang ilan sa mga mambabatas ng House of Representatives ang magsisilbing taga-usig (prosecutors) at ang mga senador naman ang magiging hukom (judges).

Kung sakaling ang Pangulo ng bansa ang nililitis sa impeachment complaint, kinakailangang kasama ng Senate President ang Chief Justice sa kabuohan ng isinasagawang paglilitis. Para maparusahan (convict) ang isang impeachable offi cial, kinakailangang makakuha naman ng minimum na twothirds na boto (16 sa 24 na mga senador) na pabor para sa conviction ng isang partikular na opisyal.
Ilan sa mga impeachment proceeding na naitala sa kasaysayan ng Pilipinas ay ang mga sumusunod:

President Joseph Estrada – Taong 2000 unang nagsagawa ng paglilitis kay Pangulong Estrada ngunit hindi natapos dahil sa hindi pagpapahintulot na mabuksan ang isang kontrobersyal na envelope na sa kalaunaý nag resulta ng 2001 EDSA Revolution, kung saan natanggal si Estrada bilang pangulo ng bansa.

President Gloria Arroyo – Taong 2005, 2006, 2007 at 2008 nang magtangkang pataksikin sa puwesto si Pangulong Arroyo ng kaniyang mga kritiko ngunit kahit isa ay hindi umusad at hindi nakarating sa Senado.

Ombudsman Merceditas Gutierrez – Taong 2011 ang masasabing kauna-unang impeachment proceeding na naging matagumpay na naging dahilan upang tuluyang bumaba sa puwesto si Ombudsman Gutierrez.

Chief Justice Renato Corona – Taong 2012 tuluyang sinibak bilang punong hukom ng Korte Suprema si Justice Corona dahil sa kasong betraying public trust kung saan nakakuha ng 20-3 na boto sa mga Senator Judges.

Usapang Pangkapayapaan

Rey Tamayo, Jr.

Kamakailan ay nagkaroon ng pagpupulong si pangulong Duterte kay Presidential Peace Adviser Jesus Dureza kasama ang ilang miyembro ng gabinete na sina Secretaries Silvestre Bello III, Liza Masa, Judy Taguiwalo, at Rafael Mariano upang talakayin ang mga nakakasang peace engagements sa mga armadong grupo tulad Moro Islamic Liberation Front, Moro National Liberation Front, Bangsamoro, CPP/NPA/NDF at maging sa Cordillerans group.

Ayon kay Dureza, sinsero at pursigido ang pangulong Duterte na magkaroon ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa bansa at makamit ang magandang resulta sa mga nakalatag na usaping pangkapayapaan.

Hinggil sa Bangsamoro, nakikita ng pamahalaan ang positibong resulta sa ilulunsad na Comprehensive Agreement on the Bangsamoro kung saan nakatakdang magpulong ang mga kinatawan at opisyal ng MILF, MNLF at iba’t ibang grupo ng Bangsamoro upang talakayin ang single road map tungo sa inaasam na kapayapaan sa Mindanao.

Suportado rin ni pangulong Duterte ang patuloy na paghahangad ng kapayapaan sa autonomous region ng Cordillera at hinikayat ang mamamayan ng CAR na magkaisa at maisakatuparan ang mapayapang layunin ng rehiyon na naaayon sa Saligang Batas.

Samantala, may inihandang special instructions naman ang pangulo sa government peace panel patungkol sa mga alternatibong hakbang upang maisulong muli ang usapang pangkapayapan sa CPP/NPA/NDF, ito’y matapos na kanselahin ng pangulo ang umuusad na peace talks at unilateral cease fire declarations.

Bagama’t naging maayos ang pag-usad ng nakalipas na tatlong serye ng usapang pangkapayapaan na ginanap sa Oslo, Norway ngunit kinansela ni Pangulong Duterte ang negosasyon matapos ang pag-atake ng hinihinalang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa convoy ng militar na ikinasawi ng tatlong sundalo na naghatid lamang ng relief goods sa mga biktima ng lindol sa Surigao del Norte.

Sa pagkakaudlot ng unilateral cease fires ng gobyerno at ng CPP-NPA-NDF, tila isang malaking hamon kung papaano mareresolba ang ilang mga isyu na nais ng pamahalaan na mabigyan ng kasagutan mula sa NDF.

Sa kabila ng mga nangyari, kumpiyansa pa rin umano ang liderato ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army, at National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) at ang kasalukuyang administrasyon na muling mabubuksan ang dayalogo hinggil sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng komunistang grupo.

Mahalagang maisakatuparan ang usapang pangkapayapaan, ang kailangan lamang ay maging bukas ang isa’t isa hinggil sa iba’t ibang aspeto at tuntunin ng peace negotiation sa pagitan ng pamahalaan at sa iba’t ibang mga armadong grupo dahil nakasalalay sa peace talks ang: ekonomiya ng bansa, maayos na edukasyon lalo na sa mga kanayunan, maayos na pamayanan, buhay ng kapwa Pilipino (sundalo, pulis, pulang mandirigma, mandirigmang moro, sibilyan) at ang dangal ng lahing Pilipino.

Rebolusyonaryong Pagbabago

14517437_10157500461875425_5858758787611460064_n1

(Photo taken from personal FB page of President Duterte)

By: Rey Tamayo, Jr.

Sa pagpasok ng ika-100 araw ng panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, tila naging mabilis at radikal ang mga pangyayari lalo na’t ang usapin ay tungkol sa malawakang kampanya kontra sa ilegal na droga.

Matatandaang panahon pa lang ng kampanya ay ideneklara na ni Pangulong Duterte (sa buong bansa) ang giyera kontra sa mga drug pusher, drug user, drug protector at sa mga drug lord. Batay sa mga datos na galing sa Philippine National Police (July 1-October 4), mayroong–

 1,377- na mga suspek ang napapatay.

 732,698- na mga users/pushers ang sumuko sa pamahalaan.

 22,503- na mga suspek ang naaresto.

 1,634,111- na mga binisitang bahay sa mga pinaghihinalaang user at pusher o mas lalong kilala sa Oplan Tokhang ng PNP sa ilalim ng liderato ni PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa.

At tinatayang nasa 1,800,000 na mga Filipino ang mga drug user batay na rin sa 2015 Dangerous Drug Board Survey.

Isang rebolusyonaryong pagbabago ang gustong maisakatuparan ng administrasyong Duterte bago matapos ang kaniyang termino upang maisalba ang susunod na henerasyon sa kamay ng masamang impluwensiya ng ilegal na droga.

Nagsisimula pa lang ang rebolusyon ngunit ramdam na ng publiko ang positibo at progresibong pagbabago na matagal ng hinahanap ng nakararaming Filipino na hindi nagawa ng mga nagdaang administrasyon.

Unti-unti na ring nararamdaman ng mga halimaw na nasa likod ng monopolyo ng droga ang bigwas ng kamay na bakal ng administrasyon. Marami na ang umaray sa matapang na kampanya ni Pangulong Duterte; kaliwa’t kanan ang napapatay na mga pinaghihinalaang drug pusher at drug user, may mga boluntaryong sumuko, may mga nagbunyag ng kanilang nalalaman hinggil sa kung sino ang nasa likod ng operasyon ng droga sa bansa, isinapubliko ang mahabang listahan ng mga protektor ng droga at tinanggal ang ilang opisyal ng pamahalaan na sangkot sa droga.

Ang resulta- nabulabog ng husto ang mga drug lord at mga sindikato ng droga. Sa takot na mabunyag sa publiko ang kani-kanilang mga boss, malaki ang posibilidad na ang mga sindikato na rin mismo ang pumapatay sa kanilang sariling mga tauhan upang mapagtakpan ang kanilang operasyon.

Kung gusto talaga nating mga Filipino na malinis ang bulok na sistema ng pamahalaan, kailangan natin ng isang lider na may tapang at malasakit upang humarap sa mala dambuhalang hamon ng korapsyon, krimen, at kahirapan.

Bagama’t may mga kritiko ang Pangulong Duterte sa diumano’y summary execution o extra judicial killing sa bansa na pinuna ng bansang Estados Unidos, European Union at maging ng United Nation ngunit depensa ni Pangulong Duterte malinaw umano ang kaniyang direktiba sa mga pulis at sundalo na patayin ang mga “kriminal” kung malalagay sa alanganin ang kanilang sitwasyon.

Mayor parte, mga kriminal ang napapatay sa operasyon ng mga otoridad.

Sa isang prespektibo at paralelismong pananaw, mas katanggap tangap na mapatay ng mga alagad ng batas ang mga kriminal sa lipunan kaysa sa mapatay ng mga kriminal ang mga inosenteng sibilyan na ang hangad lamang ay mabuhay ng marangal. At ang human rights ay para lamang sa mga tao at hindi sa mga hayop.

Nakikipagpunyagi tayo sa isang yugto ng realismong traspormasyon ng ating lipunan at ang nangyayari sa ating bansa sa kasalukuyan ay may nagaganap na malawakang rebolusyon kontra droga.

Ang realidad, sa isang giyera o rebolusyon hindi maiiwasan na may magbuwis ng buhay— may mamamatay at mamamatay sa giyera.

Ngunit kung ito ang isa sa mga alternatibong paraan upang mailigtas ang mas nakararaming inosenteng Filipino sa kamay ng mga buwitreng drug lord, sumasaludo ako sa rebolusyon na sinimulan ni Pangulong Duterte.

Kudos, Pangulong Rodrigo Duterte!

Tumatanggap ng puna at mungkahi ang awtor upang higit pang mapahusay ang anyo at nilalaman nito. Maaaring mag email sa reytamayo_2005@yahoo.com

Liberalismo sa Edukasyon

Rey Tamayo, Jr.

Edukasyon…

Sa isang perspektibong pananaw, ito’y isang makabuluhang bagay na maaaring makamit o makamtan ng isang indibiduwal. Ngunit sa ibang dimensyon ng realistikong panahon, maaaring mailap ang edukasyon dahil sa iba’t ibang dahilan. At ang isa sa mayor parte kung bakit hindi ito minsan napagtatagumpayan ay dahil sa kawalan ng salapi na maipangtutustos sa kanilang pag-aaral.

Sa mga nakalipas na sibilisasyon ng tao, masasabing napaglaanan ng panahon at sinseridad ng mga sinaunang tao ang pagtuklas ng edukasyon sa iba’t ibang paraan.

Pinagsikapan ng mga Ehipsiyo na maisaayos ang kanilang anyo ng pakikipagtalastasan sa pamamagitan ng hieroglyphs na maaaring mabasa sa paraang rebus (representasyon ng mga larawan na may katumbas na isang salita o bahagi ng salita) na ginamit ng mga tao sa Abydos noong 3400 BC.

Maging ang sistema ng pagsulat ng Phoenician na kinuha sa Proto-Canaanite script noong ika-labing isang siglo ay pilit na tinuklas, pinag-aralan at ginamit ng mga Griego.

At maging sa Tsina, sa pamamagitan ng mga natagpuang oracle bone na tinatayang pinasimulan noong dinastiyang Shang ay pinatunayang ang mga oracle bone script ang naging daan upang magkaroon ng maayos ng edukasyon ang sibilisasyong Tsino.

Naging tanyag din ang ideyalismo ng Inca nang pasimulan nito ang pagtuturo ng kaalaman sa kanilang Imperyo na pinangunahan ng mga Amautas (matatalinong tao) noong ika-labing limang siglo.

Ang mga prinsipyo at pilosopiya mula sa Aztec ay napatunayang lumaganap hanggang sa naimpluwensya nito hindi lamang sa politikal kundi maging sa militar na aspeto sa Gitna at Timog Amerika

Ang isa sa mga kongretong pundasyon ng lahat ng sibilisasyong lumitaw sa mundo ay dahil edukasyon. Edukasyon na tila pumanday ng mga kaisipan ng sangkatauhan kung kaya’t may nababasa tayo tungkol kay Plato, Socrates, Aristotle, haring Salomon, at marami pang iba na naging bantog sa kanilang talino, pilosopiya, prinsipyo, at ideyalismo.

Ang mga dakilang taong ito na naging tarikan sa katalinuhan ang tiningala at tinitingala hanggang sa modernismong panahon.

At dahil sa salitang “edukasyon”, nasaksihan muli ang isa na namang natatanging proyekto na ipinamalas sa publiko ni Mr. Public Service Kuya Daniel Razon na ang bukod tanging layunin ay masuportahan ang mga kabataang pursigidong makapagtapos ng kanilang pag-aaral ngunit kapos sa pinansyal na aspeto.

Hindi naging imposible na mapagsama sa iisang proyekto ang mga artista sa pinilakang tabing, mga mang-aawit sa entablado, mga mambabatas sa Kamara at ang mga lingkod bayan sa ating bansa para makatulong sa ating mga kapwa tao partikular na sa mga kabataang naghahangad na magkaroon ng magandang edukasyon.

Sa pamamagitan ng Sing and Shoot na inilunsad kamakailan sa Smart-Araneta Coliseum ng BMPI at ng UNTV ay nagkaisa ang mga nasabing personalidad sa ating bansa upang abutin ang kamay ng mga kabataang hangad ay makaahon sa kahirapan at magkaroon ng disenteng hanapbuhay sa hinaharap.

Sa pamamagitan ng kanilang mga inihandog na awit at pagbulso ng bola sa ring, hudyat iyon na katuwang sila sa isang progresibong pakikisangkot na magkaroon ng sapat na karunungan ang mga kabataang naniniwala sa magagawang pagbabago ng edukasyon sa lipunan.

( Ang mga nakilahok sa Sing ang Shoot event ay sina Natalia Moon, Hammilan Pavorial, “Ito ang Balita” news anchors na sina Louella Decordova at Veronica Alejar; ang ASOP host na si Richard Reynoso; Luke Mejares; Nyoy Volante, Eric Fructuoso, Ervic Vijandre, JC Tiuseco, Onyok Velasco, Allen Quizon, Dinky Doo, Bentot, Zoren Legaspi, Brandon Legaspi, Kier Legapi, James Blanco, Ian Veneracion, at si Philip Salvador bilang team coach.

Kasama rin sina Rep. Sonny Angara, Rep. Lord Allan Velasco, Rep. Sigfrido Tinga, Rep. Jonathan Yambao, Rep. Sherwin Tugna, Rep. Scott Davies Lanete, Rep. Erin Tañada, Rep. Alfredo Garbin Jr., Rep. Arnel Cerafica, Rep. Romeo Jalosjos Jr., TESDA Director General Joel Villanueva, Supreme Court Administrator at Spokesperson Justice Midas Marquez, Rodel Chua ng Supreme Court Public Information Office, PNP Chief Nicanor Bartolome, PNP CIDG Director Samuel Pagdilao Jr., Kuya Daniel Razon at PBA Legend Philip Cesar bilang team coach.)

Ang naturang proyektong ito ni Kuya Daniel ay bagay hindi matatawaran. Nakapaloob dito ang makatotohanang pagkakawanggawa sa publiko at sinserong pagtulong sa nangangailangan.

Ang liberalismo sa edukasyon ay abot kamay lamang kung maimumulat ang publiko hinggil sa importansya at halaga nito sa bawat indibiduwal at sa kolektibong ugnayan nito sa pamayanan.














Photos: Photoville international