Balangiga Bells

Rey Tamayo, Jr.

Sa ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte, tahasan nitong sinabi na kailangang ibalik ng Estados Unidos ang tatlong Balangiga bells dahil pag-aari ito ng Pilipinas at bahagi na ng national heritage ng bansa.

 

Bagama’t aminado ang mga historian at mga politiko ng dalawang bansa na mahihirapan ang pamahalaan ng Amerika na kumbinsihin ang mga beteranong sundalo nito na tuluyang maibalik ang mga kampana sa Pilipinas. Matatandaang sinikap noon ni dating Pangulong Fidel Ramos na maibalik ang Balangiga bells at pinaboran naman ito ni US President Bill Clinton ngunit bigo pa rin dahil sa pagtutol ng mga Amerikanong sundalo.

 

Taong 1901, sa kasagsagan ng Philippine-American War — 48 American soldiers ang napatay ng umatake ang mga Filipinong gerilya at nakipaglaban sa bayan ng Balangiga sa isla ng Samar. Ang nangyaring giyera sa Balangiga ay itinuturing na ‘worst defeat’ ng US army matapos ang Battle of the Little Bighorn noong 1876.

 

Ang paglaban ng mga Filipino sa kolonyalismo ng Estados Unidos ay tanda ng katapangan laban sa mga dayuhang mananakop.

 

Muling bumalik ang tropa ng mga Amerikano sa Balangiga na may sapat na puwersa sa pangunguna ni Gen.Jacob H. Smith kung saan ipinag-utos nito na patayin lahat ang mga kalalakihan na may edad na sampung taong gulang pataas. Naging hudyat sa mga taga Balangiga ang tunong ng mga kampana na tanda na may paparating na pag-atake mula sa mga Amerikanong sundalo.

 

Ang mga pag-atake ng tropa ng Amerika ay nagresulta ng tinatayang 2000 hanggang 3000 na mga napatay at ang karamihan ay mga sibilyan at binansagan itong Balangiga masscre. Nang makontrol ng mga Amerikano ang bayan ng Balangiga, kinuha ng mga sundalo ang tatlong kampana ng Balangiga Church na tanda umano ng tagumpay ng kanilang tropa laban sa mga Filipinong gerilya.

 

Ang giyera sa bayan ng Balangiga ay nananatiling pinaka kontrobersyal na isyu sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos. Maging ang mga Filipino at mga Amerikanong historyador ay nagkakasalungat sa mga records at data ng naturang labanan.

 

Para sa Amerika, ang Balangiga Bells ay simbolo na minasaker ng mga Filipinong gerilya ang tropa nila na nakabase sa Isla ng Samar ngunit para sa mga Filipinong historyador malinaw na ang mga sundalong Amerikano ang nagmasaker sa mga mamamayan ng nasabing bayan dahil sa maraming sibilyan at mga kabataan ang kanilang pinatay.

 

Sa kasalukuyan, nananatili sa kustodiya ng Estados Unidos ang tatlong Balangiga bells– ang isang kampana ay nasa base militar ng 9th Infantry Regiment sa Camp Red Cloud sa South Korea samantalang ang natitirang dalawang kampana ay nasa 11th Infantry Regiment sa F.E. Warren Air Force Base sa Cheyenne, Wyoming.

 

Mahigit 100 taon na ang nakalilipas mula ng agawin ng mga sundalong Amerikano ang mga antigo at makasaysayang Balangiga Bells na nagsilbing alaala ng isang matapang na pakikipagdigma ng mga Filipino laban sa mga dayuhang sundalo. Para sa mga Filipino lalo na sa mga taga Balangiga, ang mga naturang kampana ay bahagi na sa puso ng mga Pinoy tanda na may matatapang na mga Filipino na lumaban upang makawala sa mga mananakop at ipaglaban ang kalayaan ng bansa.

Martial Law kontra Terorismo

Rey Tamayo, Jr.

Mayo 23, 2017 – Ang pinakahuling insedente ng pag-atake ng teroristang Maute group sa Marawi City ang tuluyang nag-udyok kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipatupad ang Martial Law sa buong rehiyon ng Mindanao upang mapigilan ang karahasan, lawless violence at rebelyon na posibleng maidulot ng terorista grupo na pinaniniwalaang konektado sa ISIS.

Batay sa security at intelligence units ng pamahalaan, mayroong direktiba ang ISIS sa Maute group at Abu Sayyaf leader Isnilon Hapilon na ngayong nagsanib puwersa upang magtatag ng ISIS state sa Mindanao at magsagawa ng pag-atake sa gobyerno.

Ang pagdedeklara ng pangulo ng Martial Law ay nakapaloob sa kasalukuyang Konstitusyon (Article VII Section 18).

The President shall be the Commander-in-Chief of all armed forces of the Philippines and whenever it becomes necessary, he may call out such armed forces to prevent or suppress lawless violence, invasion or rebellion. In case of invasion or rebellion, when the public safety requires it, he may, for a period not exceeding sixty days, suspend the privilege of the writ of habeas corpus or place the Philippines or any part thereof under martial law.

Dahi sa umiiral na ang Martial Law, mahigpit na tagubilin ni Pangulong Duterte sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang pagpapatupad ng ‘rule of law’ at pagrespeto sa karapatang pantao ng bawat indibiduwal.

Nilinaw naman ng Department of National Defense sa militar na sa ilalim ng batas militar ay hindi suspindido ang Konstitusyon, at ang operasyon ng mga judicial at legislative assemblies.

Nananatiling na ang mga civilian courts pa rin ang may pangunahing hurisdiksyon sa mga kaso laban sa mga sibilyan at hindi ang mga military courts. Hindi rin umano suspendido ang writ of habeas corpus.

Sa ilalim ng batas militar magkakaroon ang AFP ng police powers na mag-aresto ng mga hinihinalang suspek sa krimen.

Upang matiyak naman ang karapatan ng mga suspek at hindi malalabag sa ilalim ng batas militar ay bumuo na rin ng guidelines ang PNP tungkol dito at mayroong do’s and dont’s sa Martial Law. Layunin ng nasabing guidelines na maprotektahan ang karapatan ng mga sibilyan kahit pa umiiral na ang Martial Law sa Mindanao.

Samantala, nakababahala ang pagiging radikal ng mga teroristang grupo sa pagrerecruit sa mga kabataang Muslim para sumama sa kanilang ideolohiya. Ang nangyayari umanong giyera sa Marawi City ay hindi lamang simpleng rebelyon ng ilang Pilipino laban sa pamahalaan kundi maituturing itong invasion ng foreign terrorists na minamaniobra ng grupong ISIS na lumalaganap na sa Gitnang Silangan ng Asya.

Pitong barangay na ang umano’y hawak ng ISIS-inspired Maute fighters kabilang na dito ang checkpoint ng ISIS sa Sarimanok road, Barangays Saber, Mapandi, Amai Pakpak, Basak Malutlut, Amai Pakpak, at Calokan.

Ipinaliwanag din ni Pangulong Duterte na ang pagdedeklara niya ng Martial Law sa buong rehiyon ay bahagi ng estratehiya para mapigilan ang posibleng pagkalat ng karahasan o ‘spill-over’ sa labas ng Mindanao. Wala umanong dapat na ikabahala ang publiko dahil ang pangunahing puntirya ng Martial Law ay ang mga miyembro ng ISIS at ibang lawless elements.

At sana sa lalong madaling panahon ay maresolba agad ng pamahalaan ang krisis na kasalukuyang nagaganap sa Mindanao upang maibalik sa normal ang pamumuhay ng ating mga kababayan na naiipit lamang sa giyera sa pagitan ng mga terorista at ng tropa ng militar.

Hindi natin maitatanggi na sa bawat giyera at kaguluhang nagaganap sa ating bayan ang laging apektado ay ang mga inosenteng sibilyan.

Pray for Marawi.